Kia pinatid ang 16-game losing skid matapos gulatin ang Rain or Shine

Mga Laro Linggo (Jan. 21)
(Ynares Center, Antipolo City)
4:30 p.m. TNT KaTropa vs Meralco
6:45 p.m. Alaska vs Barangay Ginebra

PINUTOL ng Kia Picanto ang 16 diretsong kabiguan matapos nitong biktimahin ang Rain or Shine Elasto Painters, 98-94, sa naging pisikal na laro na kinatampukan ng pagpapatalsik ng mga manlalaro sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup game Sabado sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Kumawala mula sa pantay na 77 iskor ang Picanto sa huling 9:01 ng ikaapat na yugto mula sa inihulog nitong 6-2 run tampok ang tatlong puntos ni Rashawn McCarthy at isang tres ni Roider Cabrera na sinandigan na nito tungo sa pagsungkit sa unang panalo matapos ang mahigit na walong buwan.

Hindi lamang naputol ng Kia ang 16 sunod na pagkatalo na pinakamahaba sa kasaysayan ng koponan kundi naitala pa din nito ang una nitong panalo kontra sa prangkisa ng Rain or Shine sapul na sumali sa liga.

Una munang nagkainitan sa laro sa 3:01 ng ikalawang yugto matapos na muntik magkasuntukan sina Raymond Almazan ng Elasto Painters at Eric James Camson ng Picanto na nagdulot dito kapwa na mapatawan ng disqualifying foul. Pinatalsik ang dalawa sa laro at inaasahang papatawan ng parusa ng Office of the Commissioner.

Bagaman nawala ang sentro na si Camson, hindi napigilan ang Picanto na tuluyang angkinin ang una nitong panalo sa kumperensiya at una rin para sa bago nitong coach na si Ricky Dandan at panatiliing buhay ang tsansa na makasama sa kinakailangang walong koponan sa susunod na labanan.

“I’m relieved more than tired,” sabi ni Dandan na nasa kanyang ikatlong paggiya sa koponan sapul na maging head coach matapos ang taong 2017. “I’m very happy for our team. This will go a long way in our rebuilding of our ballclub.”

“Our confidence was all shut, but we really had no choice but to move forward and to look at the positives of those blowouts,” sabi pa ni Dandan.

Nagpilit pa ang Elasto Painters na agawin ang panalo matapos na huling dumikit sa 96-94, may 21.9 segundo pa sa laro at nagawa pang itulak sa turnover ang Picanto para sa tsansa na itabla ang laban. Gayunman, hindi nagawa nina Ed Daquiaog at Maverick Ahanmisi na ipasok ang kanilang tira.

Huli pang pagkakataon ng Rain Or Shine na itulak ang laban sa posibleng dagdag na limang minuto subalit hindi nito naipuwersa na makuha ang bola sa jumpball na nagdulot sa isang layup ni Glenn Khobuntin para sa Kia.

Inireklamo naman ni Gabe Norwood ang pagtapik sa kanyang kamay sa jumpball kontra kay Mark Yee na nagawang itulak ang bola sa kakampi na si Khobuntin para sa pampanalong iskor.

Ang kabiguan ay ikatlo ng Rain or Shine sa loob ng limang laro.

Read more...