Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Rain or Shine vs Kia Picanto
6:45 p.m. Magnolia vs Phoenix Petroleum
SINAMANTALA ng Globalport Batang Pier ang malamyang pagsisimula ng Blackwater Elite upang tuluyang kontrolin ang sagupaan tungo sa pagsungkit ng 101-76 panalo sa unang laro Biyernes sa eliminasyon ng 2018 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Hindi man lamang pinatikim ng Batang Pier ng abante ang Elite simula sa unang minuto ng laro kung saan ibinagsak nito ang 28 puntos tungo sa pagsungkit sa ikalawang sunod nitong panalo matapos makalasap ng dalawang sunod na kabiguan sa unang kumperensiya ng liga.
Nagawa pang itala ng Batang Pier ang pinakamalaki nitong abante na 31 puntos sa ikalawang yugto kung saan umiskor ito ng 33 puntos habang nilimitahan lamang sa 14 puntos ang Elite upang makasalo sa anim na koponang may 2-2 panalo-talong kartada.
Pinangunahan ni Sean Anthony ang Globalport sa itinalang 22 puntos kasama ang pitong rebound at limang assist para sa koponan ni coach Pido Jarencio na patuloy na hindi nakakasama ang injured na si Terrence Romeo.
Nagawa ng Batang Pier na umiskor ng 27 puntos mula sa mga turnover ng kalaban habang may 48 puntos ito sa points in the paint. Mayroon din ito na 24 second chance points, 23 fastbreak points at 38 bench points.
Nalasap naman ng Blackwater ang ikalawang sunod na kabiguan matapos na huling biguin ang Barangay Ginebra para sa kabuuan nitong 2-3 panalo-talong karta.
“Naglaro sila ng back-to-back-to-back, so we just kept on running,” sabi ni Globalport coach Pido Jarencio. “We pressured them. We hit our target, just played good defense all the way, and ‘yan ang result.”
Samantala, asam ng Magnolia Hotshots na masungkit ang ikaapat na panalo sa pagsagupa sa Phoenix Fuel Masters habang ikatlo sa Rain or Shine Elasto Painters sa pakikipagkita sa Kia Picanto sa tampok na sagupaan ngayon sa Cuneta Astrodome.
Bitbit ng Hotshots ang 3-1 panalo-talong kartada tampok ang dalawang sunod na panalo na ang huli ay ang pagpapalasap ng 124-77 kabiguan sa Picanto.
Gayunman, inaasahang mahihirapan ang Hotshots, na asam ang ikatlong sunod na panalo, sa pagsagupa nito sa pilit babangon na Fuel Masters na napigil ang dalawang sunod na panalo matapos matikman ang 120-99 kabiguan sa kamay ng Elasto Painters.