Adik sa sex, tsismis

HUWAG mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan… Ang batayan Ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan Ko. Sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 S 16:1-13; Slm 89; Mc 2:23-28) sa Martes sa ikalawang linggo ng taon nagmula ang Pagninilay sa mga nangyayari ngayon.

Ano ang batayan kung bakit ayaw ituwid ng Rappler ang mga maling ulat, tulad ng terorista ang lumusob sa Resorts World, 7,000 ang patay sa EJK, atbp? Ano ang batayan kung bakit ayaw bigyan ng patas na trato ng social media ang kanilang binabanatan at minumura? Ano ang batayan kung bakit itinaas ang suweldo ng pulis gayung nangongotong pa rin sila? Ano ang batayan ng pederalismo na may makakain na sa hapag ng mahihirap?

Ginamit ang Saligang Batas ni Cory at ang corporate at securities act nito para singilin ang mali ng Rappler, na tagapagtanggol ng mga dilaw. Ganito ang misteryo ng pagkilos ng banal na tagamasid. Ang susunod na misteryo ay magaganap sa kasong Dengvaxia, na magdidiin sa dalawang “matataas” at “makikisig.”

Kailangang magdasal para mabuksan ang isip at puso sa iginigiit na pederalismo. Kung mas lalong yayabong ang political dynasty sa pederalismo, hindi pagbabago, kundi paglala ang mangyayari. Kung mas lalong maghihirap ang mahihirap sa isla ng Alad sa Romblon, Romblon, mas mapadadali lang pala ang kanilang pagkamatay. Nakarating na ba kayo sa bayan ng Santa Maria, Isabela?

Bakit meron pa ring pulis-shabu at kotong gayung itinaas na ang kanilang suweldo? Hindi pala pera ang solusyon para tumino sila. Nagkamali ng akala si Digong. Di na nakagugulat kung bakit may mga pulis-Nueva Ecija na dawit sa kotong. Noong Nob. 1997, ibinunyag ko ang kotong cops sa NE. Kumilos si Heneral Cris Maralit. Mas matindi ang kotong cops noon dahil parating birthday ni “major” at ang panggastos ay kinukuha sa viajeros.

Bumabaha pa rin ng shabu sa South at North Caloocan. TY Bato, ibinalik mo ang tokhang. Hindi umuusad ang DUI sa North Caloocan dahil mismong ang mga naulila ay aminado na nasa droga nga ang mga namatay o pinatay. Ngayong nalalapit na ang eleksyon sa barangay, karamihang kap ay naglinis na ng bagahe ng droga. Ang pagkanlong ng droga ay nasa purok at tanod. Alam din ito ng pulis. Itokhang din ang purok, tanod at tiwaling pulis.

Natuklasan ni Fr. Joshua na di lang pala naging adik sa droga ang nasa rehab sa Galilee Home sa Dona Remedios Trinidad, Bulacan. Ang Galilee ay pang-28 taon nang naglilingkod sa mga adik at matatanda. Bukod sa droga, adik din pala ang mga ito sa sex, sugal, mga bisyo, tsismis, pagnanakaw, atbp. Napakabigat naman ng krus na ibinigay sa mga pari’t brothers sa Galilee.

Ramdam na rin ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan. Sa nakalipas na dalawang linggo ay nasanay na ang taumbayan sa tumataas na presyo ng pagkain at may paraan sila para makaagapay. Pero, sa kantina ng National Shrine of the Divine Mercy, dating presyo pa rin. Habag at awa sa mahihirap na nagsisimba, lalo na ang pilgrims. Puwede pang magsakripisyo ng mamumuhunan.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Gaya-Gaya, San Jose del Monte City, Bulacan): Lugmok sa pananalapi (sa madaling salita, wala nang pera) sina J at L, na ang dating grocery sa Muzon ay umabot sa P3.7M ang valor. Sila ang tinutulungan ng SimBarangay para muling makabangon, at yumaman. Tao ang trato nila sa kanilang mga tauhan, kaya’t mahal sila ng mga aba. Pero, ang nawaglit ay ang tinatawag na “glorifying God” sa walong taon ng biyaya’t kasaganaan.

PANALANGIN: Santa Mariang Hari, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain.

MULA sa bayan (0916-5401958): Sa pederalismo, ipatupad ang Shariah para putol braso ang mga magnanakaw. Maraming mga senador at kongresista ang putol braso. …1876, Lapayan, Kauswagan.

Ang kailangan namin ay livelihood assistance mula sa gobyerno. Bakit ganoon, kung kelan Mindanaoan ang presidente, bumigat ang buhay. Kailangan din ang family planning. …9840, Poctoy, Surigao City

Ang ipinangakong construction materials sa aking kapatid ay wala pa. Inilista lang ang pangalan ng kanyang pamilya. …7884, Madaya, Marawi City

Read more...