Ayon sa survey na isinagawa mula Disyembre 8-16, nakapagtala ang Duterte government ng net satisfaction rating na 70 porsyento (79 porsyentong satisfied, 9 porsyentong dissatisfied at 12 undecided).
Mas mataas ito sa 58 porsyento na naitala sa survey noong Setyembre 2017. Ito ang pinakamababang net satisfaction rating ng kasalukuyang gobyerno.
Sa pinakahuling survey, naitala sa National Capital Region ang 71 porsyentong net satisfaction rating; iba pang bahagi ng Luzon ay 67 porsyento, sa Visayas ay 57 porsyento at Mindanao ay87 porsyento.
Pinakamataas ang net satisfaction rating ng gobyerno sa Class D (71 porsyento), sinundan ng Class E (66 porsyento) at Class ABC (62 porsyento).
Sa survey noong Setyembre 2016—ang unang survey sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon– ang administrasyong Duterte ay nakapagtaya ng net rating na 66 porsyento.
Ang pinakamataas na net rating ng Aquino government ay 66 porsyento na naitala noong Hunyo 2013, ang Arroyo government ay 27 porsyento, Estrada administration ay 36 porsyento, ang Ramos government ay 32 porsyento, at Cory Aquino government 23 porsyento.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. May error of margin ito na plus/minus 3 porsyento.