MUKHANG nangangalampag na ang mga politikong tatakbo sa 2019 elections.
Naghahanap na sila ng mga magpopondo sa kanilang kampanya. Alam mo naman pag eleksyon, kailangan bumaha ng pera.
At isa sa karaniwang puntirya ay ang mga operator ng iligal na sugal na jueteng.
Mabilis daw gumawa ng pera sa sugal dahil bahagi ito ng kultura ng ating mga Pinoy.
Ang mga estudyante ay naglalaro ng ending ng score sa basketball o digit gamit ang serial number ng perang papel.
Kapag linggo maraming nagsasabong—tupada man o sa legal na sabungan.
Kaya naman kahit na bawal ay marami pa ring tumataya sa jueteng. Kahit pa tinapatan na ito ng legal na Small Town Lottery.
At siyempre nandyan ang alegasyon na ang mga STL operator ay siya ring jueteng operator. Ginagamit ang STL para maitago ang operasyon ng jueteng. Para hindi hulihin ng mga pulis ang mga nagpapataya.
Kailangan ng mga gambling operator ng proteksyon mula sa mga politiko at kailangan din sila ng politiko ang pera ng mga nagpapasugal.
***
Napangiwi si mamang jeepney driver nang malaman ang presyo ng magpakarga ng diesel kahapon ng umaga.
Umabot na kasi sa P40 ang bawat litro ng diesel. Noong nakaraang administrasyon ay nasa P20 level lang.
Nadagdagan na kasi ang buwis na nakapatong sa diesel ay tumaas pa ang presyo kahapon.
Sa pagtaas ng presyo ng diesel ay tumataas din ang nakapatong na 12 porsyentong Value Added Tax.
Nagpatong-patong na.
Ang pagtaas ng buwis ay nangangahulugan ng mas maraming pera para sa gobyerno. Sana lang gamitin ng gobyerno ng tama ang pera.
May nagsasabi naman na pinabayaan ng gobyerno na tumaas ang presyo ng produktong petrolyo dahil solusyon din ito sa mabigat na daloy ng trapiko.
Kung mahal na ang diesel at panay pa ang paghuli sa mga bulok at mausok na jeepney, maraming driver ang magdadalawang-isip na bumiyahe. Bakit ka nga naman bibiyahe kung hindi ka naman kikita at baka matiketan ka pa?
Kung mababawasan ang bilang ng pumapasadang jeepney, luluwag nga naman ang kalsada.
Kung mababawasan ang jeepney, baka gumanda naman ang kabuhayan ng mga UV Express at hindi na sila mag-cutting trip. Gaya ng mga UV na hanggang San Mateo lang ang biyahe sa halip na dumeretso hanggang Rodriguez gaya ng nakasulat sa kanilang prangkisa.
Oo nga pala, ang mga UV dahil nagka-cutting trip ay nakakadulot din ng trapik sa Guitnang Bayan area kung saan sila nagpapaliko o nagmamane-obra para lumipat sa kabilang lane. Dun sa carwash na ginawa na nilang terminal.