NAGLULUKSA ang mundo ng showbiz, pati na rin ang fashion industry sa pagpanaw ng Filipino fashion designer na si Jose “Pitoy” Moreno. Sumakabilang-buhay si Pitoy nitong nakaraang Lunes, siya ay 87 years old.
Hindi pa rin naglalabas ng impormasyon ang kanyang pamilya tungkol sa kanyang pagkamatay. Kung matatandaan, noong 2014 ay nabpabalitang comatose raw si Pitoy matapos atakihin sa puso pero mabilis din itong pinabulaanan ng kanyang mga kaibigan.
Ayon sa ulat, naka-confine lang daw ito sa ospital, hindi man siya nakakapagsalita pero matalas pa rin daw ang pandinig nito.
Kinilalang National Artist noong 2009 ang tanyag na fashion designer. Si Pitoy ang ikalawang binigyan ng nasabing pagkilala sa mundo ng fashion design. Ang una ay si Ramon Valera noong 2006.
Nakilala si Pitoy sa kanyang mga Barong Tagalog at Maria Clara gowns at ang kauna-unahang pangulo ng Philippine Couture Association.
Nakaikot sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanyang mga design tulad na lang sa Paris, London, Rome, Madrid, Barcelona, Sweden, Moscow, New York, Chicago, Washington D.C., Morocco, Tokyo, Hong Kong, Bangkok, Kuala Lumpur, Singapore, China at iba pang bansa sa Asia.
Naging designer din siya ng mga kilalang celebrities sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang na riyan ang mga First Ladies at mga Pinay beauty queens.