Titulo pag-aagawan ng Benilde, Arellano

Mga Laro Ngayon
(Rizal football pitch)

6 p.m. Arellano U  vs St. Benilde

NAUNGUSAN ng College of St. Benilde ang Arellano University sa penalty shootout upang itakas ang 4-3 (1-1) panalo Lunes ng gabi sa Game Two ng 93rd NCAA senior football finals sa Rizal Memorial football pitch, Malate, Maynila.
Dahil dito ay naitabla ng St. Benilde ang best-of-three series sa 1-all at magkakaroon ng matira-matibay na ikatlo at huling laro ngayon sa pareho ring venue.

Itinabla ni Major Dean Ebarle ng St. Benilde ang laban sa pagpasok sa krusyal na goal mula sa pasa ni Carmelo Vicente Genco sa huling hati ng laro bago isinalpak ni Moiselle Angelo Alforque ang pampanalong goal sa shootout upang makapuwersa ng ikatlong laro para sa korona.

Huling sumipa para sa Arellano U si Patrick John Bernarte subalit lumampas ang tangka nito sa ibabaw ng bar para manatili ang iskor sa 3-all.

Muling maghaharap ang St. Benilde at Arellano University alas-6 ng gabi ngayon at ang mananalo ay tatanghaling kampeon ng 93rd season ng NCAA men’s football.

Halos abot kamay ng Chiefs, na nakasama muli ang national under-23 standout Roberto Corsame, Jr. matapos na mapatawan ng isang larong suspensiyonsa Game One, ang korona kung saan nagwagi ito sa series opener, 3-2, noong Biyernes, matapos kapitan ang kalamangan sa pagpasok ni Cyrus Sanquilos ng goal sa ikapitong minuto.

Subalit tila napagod ang Arellano sa second half kung saan naging agresibo naman ang St. Benilde matapos ang halftime na nagresulta sa pagtabla ni Ebarle sa ika-61 minuto.
Umiskor sa shootout sa Arellano sina Cymun Sanquilos, Charles Gamutan at Corsame habang sa parte ng Benilde ay sina Earl Real Laguerta, Vincent Erik Lovitos at Renz Joseph Tulayba bago ang sablay ni Bernarte na nagtulak kay Alforque para selyuhan ang panalo.

“I told the players at halftime that if we score the equalizer in the second half, we’ll win this. And we did,” sabi ni St. Benilde coach Marlon Maro.

Samantala sa juniors division, nakapagtala si Mariano Suba ng bihirang hattrick bago tinulungan ni goalie Jessie Reil Semblano ng tatlong krusyal na saves bago isinagawa ang pampanalong goal sa shootout upang itulak ang San Beda sa 3-1 (3-3) panalo kontra CSB-La Salle Greenhills tungo sa pagsungkit sa ika-17 nitong juniors crown. —Angelito Oredo

Read more...