Inaprubahan na kagabi ng Kamara de Representantes ang resolusyon na nagpapatawag ng Constituent Assembly upang maamyendahan ang Konstitusyon.
Hindi na pinatapos ng liderato ng Kamara ang mga kongresista na nais pang magtanong kay House committee on constitutional amendments chairman Roger Mercado, na siyang sponsor ng House Concurrent Resolution 9.
Nagtatanong si Anakpawis Rep. Ariel Casilao kay Mercado kaugnay ng panukala nang tumayo si Caloocan City Rep. Edgar Erice at kinuwestyon ang quorum.
Muling nagpatawag ng roll call at 186 kongresista ang present sa sesyon. Mas mababa ito sa 222 na naitala sa naunang roll call.
Nang ideklara ni House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia na mayroong quorum ay nagsalita ang tumatayong Majority Floor Leader na si Pampanga Rep. Juan Pablo Bondoc at sinabi na isinasara na nito ang period of interpellation.
Mayroon pang tatlong kongresista na nais magtanong bukod kay Casilao.
Nang mayroong kumuwestyon dito ay nagsagawa ng voice voting kung saan idineklara ni Garcia na nanalo ang Ayes o ang pagtatapos ang interpellation at isinunod na ang viva voce voting kung tatanggapin (adoption) ang resolusyon.
Idineklara ni Garcia na ang nanalo ay ang Ayes o pabor na i-adopt ang resolusyon.
May mga kongresista na nais magsalita pero ipina-adjourn na ang sesyon.
Kailangan naman na magpasa ng kaparehong resolusyon ang Senado para maipatawag ang ConAss—ang pagsasama ng mga senador at kongresista para baguhin ang Konstitusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.