6 kotong cops sibak, 2 kasabwat dakip | Bandera

6 kotong cops sibak, 2 kasabwat dakip

John Roson - January 16, 2018 - 04:26 PM
Sinibak sa puwesto ang anim na pulis ng Carranglan, Nueva Ecija, matapos silang masangkot sa pangongotong, habang nakaditine’t nahaharap din sa kaso ang dalawa nilang kasabwat na sibilyan. Inutos ni Chief Supt. Amador Corpus, direktor ng Central Luzon regional police, ang pagsibak kina SPO1 Antonito Otic, PO3 Danilo Sotelo, PO3 Ronald Buncad, PO3 Oliver Antonio, PO2 Rodrigo Edralin, at PO2 Romeo Nuñez III. Ito’y matapos madakip ng PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF) ang anim at mga kasabwat nilang sina Ramon Cabilangan at Darwin Lagisma sa entrapment operation, sa checkpoint sa Brgy. Digdig, ala-1:20 ng umaga Martes. Isinagawa ang operasyon dahil kinikikilan umano ng mga pulis at dalawang sibilyan ang mga taong naglalako ng paninda na napapadaan sa kanilang checkpoint, ani CITF commander Senior Supt. Chiquito Malayo. Nagsisibing “kolektor” sina Cabilangan at Lagisma, pero minsa’y nakikita ring tumatao sa checkpoint, aniya. Nakumpiska sa mga pulis at kanilang mga kasabwat ang P2,440 cash, na pinaniniwalaang mula sa pangongotong. Dinisarmahan na ang mga pulis at itinurn-over ang kanilang mga baril sa kanilang hepe. Nakuhaan din sina Otic at Antonio ng kalibre-.45 at kalibre-.9mm pistola na kapwa mula umano sa lokal na pamahalaan ng Carranglan. Nakatakdang dalhin ang mga pulis sa tanggapan ng CITF sa Camp Crame. Kaugnay nito, iginiit ni Corpus na di nagkulang ang pamunuan ng regional police sa pagbababala at paglalabas ng direktiba sa mga tauhan nito na huwag nang sumawsaw sa iligal na aktibidad gaya ng pangongotong. Mas magiging mahigpit ngayon ang regional police sa pagbabantay at pagpapataw ng kaparusahan sa mga susunod na mahuhuli, aniya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending