Paul Lee kinilala bilang PBA Player of the Week


IPINAKITA muli ni Paul Lee ang nagdulot taguri dito bilang “Angas ng Tondo” matapos ang eksplosibong paglalaro sa simula ng 2018 sa pagtulak sa Magnolia Hotshots sa magkasunod na panalo sa ginaganap na 2018 PBA Philippine Cup.

Inuwi ni Lee ang kanyang unang PBA Press Corps Player of the Week award sa pagtala ng average na 17 puntos, 4.0 assists, 2.0 rebounds at 1.5 block ngayong kumperensiya sa pagtulak sa Magnolia sa mga panalo kontra Kia Picanto (124-77) at NLEX Road Warriors (105-94).

Sinimulan ng Hotshots ang kampanya ngayong bagong taon sa pagbigo sa Kia noong Miyerkules kung saan tila nagliyab si Lee sa opensiba sa ikatlong yugto.

Ang 6-footer na si Lee, na binalewala ang dating injury sa kaliwang tuhod matapos sumailalim sa surgery noong offseason, ay naghulog ng 13 sa kanyang buong puntos sa ikatlong yugto na nagtulak sa Magnolia sa pagpalasap ng masaklap na kabiguan sa Kia na nagawa pa magtala ng dalawang puntos na abante sa halftime.

Ang 28-anyos na si Lee ay nag-ambag din ng apat na assist at tatlong block.

Apat na araw ang lumipas ay muling nagpamalas ng husay si Lee sa pagtala ng 21 puntos, tampok ang apat na triples sa dominasyon ng Hotshots’ kontra sa Road Warriors.

Bagaman nagawa ni NLEX rookie Kiefer Ravena na makaungos sa personal na labanan kontra Lee sa pagtatala ng PBA career-high 31 puntos ay isinagawa naman ng dating University of the East star ang mga krusyal na iskor upang pagandahin ang kartada ng Magnolia sa 3-1 record.

Itinala ni Lee ang 12 puntos sa ikatlong yugto sa pag-atake ng koponan bago tuluyang pinigilan ang NLEX.

Tinalo ni Lee para sa karangalan ang mula Alaska Aces na sina Calvin Abueva, Vic Manuel at Chris Banchero; GlobalPort Batang Pier guard Stanley Pringle, Blackwater Elite big men JP Erram at Mac Belo pati na rin ang San Miguel Beermen na si June Mar Fajardo at Arwind Santos.

Read more...