MAKAILANG beses nang sinasabi ni Pangulong Digong na hindi siya interesado na ma-extend ang kanyang termino.
Sinasabi ng kanyang mga kritiko na balak ni Digong na gusto niyang maipasa ang Charter Change o pagbago ng Saligang Batas dahil ibig niyang tumagal sa puwesto.
Nothing could be further from the truth, dear readers.
Ako, bilang kanyang malapit na kaibigan, ang makakapagpatunay na ayaw niya ng term extension.
Sa ilang beses na pakikipag-usap ko sa kanya, sinasabi niya na nakakapagod ang trabaho ng pangulo ng Pilipinas.
Buti pa raw noong mayor siya ng Davao City ay nakakapambabae siya left and right.
Ngayon daw ay hindi na masyado dahil sa bigat ng kanyang trabaho.
Di na raw masyadong tumitindig ‘yung sa kanya dahil sa dami ng kanyang iniisip bilang presidente.
Sinisisi pa nga niya ang inyong lingkod dahil ako raw ang isa sa mga nag-udyok sa kanya na tumakbo bilang Pangulo.
“Kung alam ko lang ganito kahirap ang trabaho, di ako tumakbo,” ani Digong.
Pero dahil andiyan na ang trabaho ay kinakaya raw niya upang magampanan ang binigay sa kanya ng taumbayan.
***
Tama si Sen. Ping Lacson: Doble ang kapal ng mukha ng mga mambabatas na nagsusulong ng Charter Change
upang mapahaba pa ang kanilang termino.
Tinawag ni Lacson ang ilang mambabatas na makapal ang mukha dahil gusto nilang ma-extend ang kanilang termino.
“Dapat pala ay dobleng kapal ng mukha ang sinabi ko sa kanila,” ani Lacson.
Kaya naman pala sinusulong ang Charter Change ng ilang mambabatas dahil gusto nilang maging permanente sila sa puwesto.
Aba’y hindi makapal ang kanilang mukha, sintigas ng asero ang kanilang mukha.
***
Isa sa mga dahilan kung bakit pinili ni Pangulong Digong na maging interior secretary si retired Armed Forces chief Gen. Eduardo Año ay dahil gusto niyang idisiplina nito ang Philippine National Police (PNP).
Bilang chief ng Department of Interior and Local Government, sakop ni Ano ang PNP.
Pero napakahirap na disiplinahin ang mga pulis kumpara sa sundalo.
Kakaiba ang disiplina sa Armed Forces of the Philippines, kung saan galing si Ano, sa PNP.
Parang langit at lupa ang pagkakaiba.
Sa AFP, puwedeng ipakulong kaagad ang isang miyembro dahil sa isang malaking pagkakamali habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon laban sa kanya.
Ang bilis ng aksyon laban sa mga abusadong sundalo ang nagpapatino sa kanila.
Sa PNP, hindi pinapairal ang military discipline, kundi ang civil service rules.
Ang pulis na ini-rereklamo ng isang sibilyan ay dapat bigyan ng “due process” kung saan ang imbestigasyon ay may kahabaan.
Kahit na ang sinasabing summary dismissal proceedings laban sa pulis—ang ibig sabihin ng summary ay “mabilisan”—bumibilang ng mga buwan at taon bago maresolba ang kaso.
Saksi ang Isumbong mo kay Tulfo, ang aking public service program sa radyo, sa haba ng panahon na dinidinig ang kaso laban sa pulis.
Halimbawa, ‘yung pulis-Pasig na pumatay ng isang teenager sa loob ng videoke bar dahil nag-agawan sila sa mikropono upang kumanta, ay isang dekada na ang kaso at walang nangyayari.
Matapos ang 12 taon, namatay ang nasabing pulis sa cancer pero ang mga kasong administratibo at kriminal na isinampa sa kanya sa tulong ng “Isumbong” ay di pa nareresolba.
Good luck, General Año!
***
Kung matutuloy ang panukalang Charter Change, dapat pag-isipan ng mga framers ng Constitution na ibalik ang Philippine Constabulary o PC.
Ang PC ay nilansag noong panahon ni Pangulong Cory dahil ito raw ang nagkulong sa kanyang asawa na si Sen. Ninoy Aquino.
(Ang totoo niyan, sumusunod lang ang PC sa Pangulong Marcos na ikulong si Ninoy noong pagdeklara ng martial law)
Ang PC noon ay isa sa mga major commands ng AFP kasama ang Army, Navy at Air Force.
Ibalik natin ang police sa lokal na pamahalaan at gawin ang PC, gaya ng dati, na national law enforcement agency kasama ang National Bureau of Investigation o NBI.
Ibalik ang Philippine Constabulary
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...