MATAGAL na pinag-isipan ni Robin Padilla kung tatanggapin niya ang Kapamilya series na Sana Dalawa Ang Puso kasama sina Jodi Sta. Maria at Richard Yap.
Nagsu-shooting daw kasi siya noon para sa pelikulang “Bad Boy 3” sa Pangasinan nang i-offer sa kanya ang programa.
Nakatanggap siya ng tawag mula sa manager niyang si Betchay Vidanes, at pinatatawag nga raw sila ng Star Cinema/Star Creatives executive na si Malou Santos para sa bagong serye ng ABS-CBN.
Ani Binoe, “Ang tagal kong pinag-isipan ‘yun! Kasi kapag bumalik ako ng Manila, hindi na matutuloy itong project (Bad Boy 3) na ito sigurado. E, siyempre nahiya rin naman ako kay Ma’am Malou.”
Natatawa pang dagdag ni Robin, “Hirap na hirap ako sa buhay ko sa ABS (tawanan ang lahat), totoo! Nu’ng Bad Boy 3, ang laki ko, sabi nila magte-taping na, magpapayat na ako kasi sabi nila si Jodi maliit, so kailangan kong magpapayat.
“Nagpapayat naman ako, nakakadalawang linggo pa lang kaming taping, sabi nila ‘Uy medyo mag-gain ka ng konting weight kasi magsu-shooting kayo ni Ma’am (Sharon Cuneta, para sa Unexpectedly Yours), pinaglalaruan nila ‘yung katawan ko. Totoo nga, hindi ako nagbibiro, taba-payat-taba-payat, hindi naman na ako bata.”
Sa tanong kung bakit ayaw na sanang magteleserye ni Robin, “Hindi naman sa ayaw, una alam ni Ma’am Malou na kapag mag-a-action ako, pelikula, hindi ko na kaya ‘yung style ng teleserye sa action. Hindi ko na kaya ang araw-araw ang taping, matanda na ako, para na lang ‘yun sa mga bata.”
Inamin din sa amin ng aktor na 9 p.m. pa lang ay natutulog na siya at maaga siyang gumigising, kaya hangga’t maaari ay matupad ang 11 p.m. cut off time niya.
May pagkakataon na nakikiusap ang production na i-extend ang cut-off time niya, pinagbibigyan naman daw ito ng aktor dahil baka siya pa ang lumabas na masama.
Pero masaya raw lagi ang taping nila sa Sana Dalawa Ang Puso, nae-enjoy ng aktor ang karakter niya bilang si Leo Tabayoyong na isang manggagawa sa kumpanya nina Jodi at ama nitong si Christopher de Leon.
Nabanggit pa ng aktor na bago sila nagsimulang mag-taping ay kinausap muna niya si Richard Yap kung puwede siyang isama sa serye nila dahil nga mahirap nang buwagin ang tambalang JoChard na nagsimula pa sa Be Careful With My Heart.
“Fan na fan kasi ako ng loveteam nila at gustung-gusto ko silang magkataluyan kaya ganu’n. Tapos bigla akong papasok, e, siyempre bilang paggalang sa kanila kaya kinausap ko si Richard,” katwiran ng aktor.
Mapapanood na ang Sana Dalawa Ang Puso mula sa Star Creatives bago mag-It’s Showtime na siyang papalit sa Ikaw Lang Ang Iibigin nina Gerald Anderson at Kim Chiu.
q q q
Samantala, tawanan naman ang press nang sabihan si Jodi Sta. Maria na mag-ingat na lang sa kanya dahil nga kilala ang aktor na mabilis ma-in love sa mga nagiging leading lady niya.
“Bata pa lang ay pinanonood ko na sila, sumasabog ang kagandahan ni Jodi,” biro ni Binoe nang kumustahin ang unang pagtatambal nila ni Jodi.
Inamin din ng actor na may mga pagkakataon na nakakalimutan niya ang kanyang dialogue kapag kaeksena niya si Jodi, “Masyadong magaling. Buti na lang, gina-guide ako ng direktor naming si Rory Quintos.”
Dito na nga tinukso si Robin na baka ma-in love rin siya kay Jodi dahil nga kilala siya na mabilis mapamahal sa kanyang mga nakakapareha. Sagot ni Binoe, sa ganda, talino at kabaitan ni Jodi, may sira na lang daw sa pag-iisip ang sinumang hindi mai-in love sa aktres.
Pero sabi ng action star, may limitation na raw ang pagmamahal na maibibigay niya sa kanyang leading ladies dahil meron na nga siyang Mariel Rodriguez.
Hirit ni Binoe, “Kaya, Jodi, mag-ingat ka na lang sa akin. At Richard, bantayan mo na rin ako. Pero siyempre, dahil sa ating maturity, alam na naman nating may boundaries tayo tungkol diyan.”