Yolanda anniversary holiday sa Eastern Visayas

    Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang pagdedeklara sa Nobyembre 8 bilang special non-working holiday sa Eastern Visayas bilang paggunita sa paghagupit ng bagyong Yolanda.
    Tatawaging Typhoon Yolanda Resiliency Day ang holiday ang panukala ni Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez.
    Bukod sa paggunita sa mga nasawi noong Nobyembre 8, 2013, sinabi ni Romualdez na pagkilala rin ito sa kabayanihang ipinakita ng mga nagboluntaryong tumulong sa mga nasalanta.
    “It is also intended as a salute to the resiliency and selflessness of volunteers and organizations that took part and contributed to the recovery and rehabilitation of all communities affected by Typhoon Yolanda.”
    Sakop ng holiday ang Tacloban City, Leyte, Biliran, Southern Leyte, Northern Samar, Western Samar at Eastern Samar.
    Sa kasalukuyan ay mayroong local executive order para sa paggunita sa pananalasa ng bagyo.
    Sa huling pagbibilang noong Disyembre 12, 2013, umabot sa 5,982 ang mga nasawi, 1,799 ang nawawala at 27,022 ang nasugatan.
    Nagkakahalaga ng P571.1 bilyon ang pinsala nito sa ari-arian ay 1.1 milyong bahay ang nawasak, 593,785 ang bahagyang nasira at daang libo ang inilikas.

Read more...