Sikat na aktres matindi rin ang mood swing, mahirap pakisamahan, pero…

MAHIRAP daw palang pakibagayan ang ugali ng isang magandang aktres na hindi na kabataan pero hindi pa rin naman katandaan. Mismong mga nakakasama niya sa trabaho ang nagpapatunay na tiyempuhan ang mood ng magandang aktres.

May mga pagkakataong kahit hindi naman siya kinakausap ay siya mismo ang lumalapit sa kanyang mga katrabaho pero kapag meron siyang sumpong ay nagkukulong lang siya sa sarili niyang mundo.

Sa kabuuan ay mabait daw naman ang aktres, pero hindi maitatago ang kanyang mood swings, marami namang nakaiintindi kung saan siya nanggagaling.

Kuwento ng isang source, “Kung hindi mo alam ang kuwento ng buhay niya, e, talagang maiinis ka kay ____ (pangalan ng magandang female personality). Sasabihin mong maldita at mayabang siya.

“Pero kung nasubaybayan mo naman ang nangyari sa kanya nu’ng bata pa siya, e, isa lang ang sasabihin mo, gusto na niyang kalimutan ‘yun pero paminsan-minsan, e, bumabalik pa rin sa alaala niya ang nangyari.

“Matindi naman kasi talaga ang pinagdaanan niya, mabuti nga at matapang siya, dahil kung sa ibang bata lang nangyari ang ganu’n, e, baka hindi ‘yun nakayanan.

“Mabuti na lang at may nag-alaga sa kanya na pinuno siya ng pagmamahal. ‘Yun na ang tumayong mommy niya, talagang ipinaglaban siya ng taong ‘yun, pero wala na kasi ngayon kaya parang napilay siya.

“Kaya ‘yung sinasabi nilang mood swings, madaling intindihin ‘yun, hindi madaling makalimutan ng kahit sino ang nangyari sa kanya. Kailangan talagang maging matapang siya para mapaglabanan ang pinagdaanan niya,” paunawa ng aming impormante.

Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, madali lang hulaan kung sino ang magandang aktres na ito, napakadali. Alam na alam na sa merkado kung sino siya.

Read more...