Dennis kina Lovi, Rhian at Max: Para silang mga Victoria’s Secret model!


“WALA akong pinagsisisihan sa mga nakaraan kong relasyon!” Ito ang sagot ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo nang tanungin tungkol sa kanyang TOTGA, o ang “the one that got away.”

Ngayong Lunes na, Jan. 15, magsisimula ang kanyang bagong teleserye sa GMA Telebabad, ang The One That Got Away kung saan tatlong Kapuso babes ang kanyang makakatambal na mag-aaway-away dahil sa kanya: sina Rhian Ramos, Max Collins at Lovi Poe.

Ano’ng feeling na siya ang napili para magbida sa

TOTGA at pag-agawan ng tatlong hot chicks? “Iba! Tatlo ‘to, e. Parang sobrang perfect mo na para pag-agawan ka ng tatlo, e!”

Nangyari na ba sa kanya ang kuwento ng TOTGA? “Hindi pa naman. Parang dalawa lang yata dati. Loko lang, loko lang!” Hirit pa ng binata, wala rin daw siyang ex-girlfriend na pwede niyang matawag na TOTGA, “Parang wala naman. Wala naman akong pinagsisisihan na relasyon na nakawala. Kung hindi para sa ‘yo, hindi para sa ‘yo.”

Inamin ni Dennis na talagang kinarir niya ang pagdyi-gym para mas maging buff dahil nga sa tatlo niyang leading lady sa bagong serye ng GMA, “Nakaka-intimidate sila dahil ang gaganda nila, ang se-sexy.

Tatlong pinakamagagandang artista sa GMA kasama ko sa isang show.

“Natsa-challenge ako dahil kailangan ko mag-extra effort para pumantay sa kanila. Kapag tiningnan mo sila, para silang Victoria’s Secret models para sa akin, e,” aniya pa.

Gaano ka-daring o ka-naughty ang The One That Got Away kung ikukumpara sa huling sexy romantic comedy series niya noon sa GMA na Juan Happy Love Story kung saan nakatambal naman niya si Heart Evangelista?

“May konting sexy. Medyo may pang-mature na audience. Medyo Sex And The City na mas feel good and mas batang audience. Yung characters nila Lovi, Rhian at Max sumasalamin sa iba’t ibang klaseng characters ng babae,” kuwento pa ni Dennis.

At huwag naman sanang ikagagalit ng kanyang girlfriend na si Jennylyn Mercado, pero inamin ni Dennis na may kissing scene raw siya sa tatlo niyang leading lady sa serye, “Oo, meron, e. Kasi naging kami. So, kailangan ipakita yung intimacy para mag-work ‘yung eksena.”

Pero nilinaw niya na hindi playboy ang karakter niyang si Liam, “Kaya nga sa tingin nila ako yung ideal para sa kanila dahil talagang matinong boyfriend ako. Yung role ko dito, ako yung tipo ng lalaking gusto mo talagang ipakilala sa magulang.”

Read more...