MAHAL na mahal ng mga camera si Kathryn Bernardo. Sapul na sapul sa La Luna Sangre ang kanyang simpleng kagandahan. Sa halos lahat ng anggulo ng young actress ay panalung-panalo ang kanyang itsura.
Maganda naman kasi ang mga mata ni Kathryn. Tumutulay ‘yun sa manonood, kaya du’n sa mga eksenang namatay si Tristan (Daniel Padilla) ay ramdam na ramdam ang napakahusay niyang pag-arte, hindi ‘yun OA dahil ang ginawa niyang atake ay natural na natural.
Siguro nga ay inunahan na niya ang kanyang mga eksena, ang naging hugot siguro ni Kathryn ay paano na siya kapag nawala si Daniel sa totoong buhay, kaya ganu’n na lang kahusay ang kanyang pagganap.
Mas naglalagablab ngayon ang mga eksena sa La Luna Sangre, nakapanghihinayang na palampasin ang serye, bukod kina Daniel at Kathryn ay magagaling din ang kanilang mga co-stars.
Hindi nakapanghihinayang ang pambayad sa kuryente kapag ganu’n kaganda ang palabas, hindi bale nang tumaas ang ating konsumo sa elektrisidad, kung pagkatapos naman nating manood ay mapapapalakpak ka na lang sa ganda ng pinanood mo.