MINSAN, mas mabuti pa na ipakita ang tunay na pagkatao, taglay ang mga kahinaan at pagkukulang, kesa manatili sa pagkukunwari. Iyan ang Pagsasadiwa sa Ebanghelyo (1 Jn 3:11-21; Slm 100; Jn 1:43-51) sa Biyernes bago mag-Epifania.
Di dapat ikinumpara ng mga survey sina Digong at Noynoy. Kung may noynoying kay Noynoy, may noynoying din naman kay Digong. At iyan ay sa MRT, at LRT na rin; sa pagdami na naman ng krimen ng pagnanakaw at pambuburaot. Sa North Caloocan at Southern Bulacan, mas madali nang nakabibili ng shabu. Hindi na balita ang pagbabalik ng shabu.
Mapagtatakpan ba ang kapalpakan sa mga tren kung sasabihing mas maraming ginawa si Digong ngayon kesa kay Noynoy noon? Maibibili ba ng delatang corned beef ang resulta ng survey? Mas makababangon ba sa kahihiyan si Noynoy kung parati na lang siyang ingungudngod sa kamalian?
Nang sumesemplang ang taga-usig sa mga kaso ni GMA noon, siya namang “tumataas” ang resulta ng mga survey na mataas ang tiwala ng taumbayan kay Noynoy sa kabila ng kapalpakan nina Abaya at Biazon. Ngayong sasabit ang isang bata ni Digong sa Dengvaxia, maaabot na ang langit ng popularidad ng dating alkalde. Umaalingasaw ang lansa.
Ang tudling ng Pagninilay sa Ebanghelyo ay pagkukunwari. Wala pa man ay nagkunwari nang malinis ang mga nagpabagsak kay Marcos. Ngayon, gagawin na ang C6, isa sa mga circumferential roads ni Marcos (bukod sa dekalidad na mga tren), at pakikinabangan ng mga nagngungudngod kay Marcos.
Hindi busilak sa linis ang pagkatao ni Marcos at ang mga kasalanan ay ikinumpisal niya sa Heswitang obispo. Pero, hindi rin busilak sina Cory at Ninoy. Kasinungalingang si Cory ang nagbalik ng demokrasya (malapit na ang Peb. 25) at mistulang binomba ni Ninoy ang LP rally sa Plaza Miranda. Panahon na para tanggalin ang kanilang mga mukha sa P500.
Malamya ang banat ng isang istasyon sa lagim na idinulot ng Dengvaxia. Yun pala, malaki ang ibinigay na pera ng parmasyotika para sa social projects ng istasyon. Doble kara ang istasyon. Silencio sa radyo, pero pahapyaw ang news clips sa TV. Ang dating pakialamerong kumaintarista ay nanahimik at muling kinalkal ang trapik. Kumakalat ang mga taong sina “Marinduque.” Kaya pala malamya rin si Digong sa banat. Ni ayaw nga niyang murahin ang bagong mga Herodes.
Madilim ang 2018 sa mga taga-Bocaue at Santa Maria, Bulacan dahil mismong fireworks ay ipagbabawal ni Digong. Madilim na rin ang mga kapistahan na nakakalendaryo sa mga parokya sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Ang aking sagot sa bagabag ng isang monsinyor dahil sa nakaambang taggutom at taghirap: ang maitim na ulap ay dumadaan lamang o binabasag ng kidlat para maging ulan, saka liliwanag ang kalangitan. May magagawa ang Diyos.
Di ko muna pupurihin si Digong sa pagsibak niya sa tiwaling mga opisyal, na mismong siya ang humirang. Magiging kapuri-puri lamang si Digong kung ang mismong mga nagbulong sa kanya ang isasabay niyang palakulin. Tatlong Mindanaoan ang bulung nang bulong sa kanya. Sa exorcism, pahamak ang demonyo. Bakit di niya unahin ang mga demonyo?
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Dulong Bayan, SJDM City, Bulacan): Kahiyaang kasal sa simbahan. Pananalapi ang anay para gumuho ang sagradong kasal. Naroon ang wagas na pag-ibig, pero kapag kumalam ang sikmura dahil sa winaldas na pera, (kailangang) buwagin ang pamilya bago dumanak ang dugo. Bagahe ang walang kaalaman sa pera. Kung binalikan lamang ang Mateo 6:33…
PANALANGIN: Ang Diyos ay nagtatawa lang sa masama. Pagkat alam niyang ito’y mawawala. Awit 37:13
MULA sa bayan (0916-5401958): Tanong kay Gob. Toto Mangudadatu: bakit napakabagal ang road construction from Buluan to Datu Paglas? Di gaya ng project ni Sultan Kudarat Gob. Pax, mabilis pa sa alas-4. Sana gayahin mo si Pax. Aksyon agad at serbisyong totoo. …3362.
Mahirap na lalawigan ang Romblon, lalo na ang kabiserang Romblon. Sa pederalismo, wala na kaming mahihingan ng tulong sa Maynila. Grabe ang brainwashing ngayon dahil sa sipsip na mga politiko sa Malacanang at Davao City. …6550, Lio, Romblon, Romblon.