Jail officer na namatay matapos dumalo sa Traslacion, lasing

 

LASING ang  51-anyos na jail officer na naiulat na namatay dahil sa heart attack Miyerkules ng umaga matapos dumalo sa taunang Traslacion ng Itim ng Nazareno sa Quiapo.

Bukod sa lasing si  Senior Jail Officer 4 Ramil dela Cruz, hindi rin ito nakainom ng kanyang maintenance, ayon kay Johnny Yu, hepe ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Isa si Yu sa mga nagbigay ng first aid treatment kay dela Cruz.

Ayon pa sa opisyal, nagtungo si dela Cruz sa bahay ng kanyang kaibigan sa Hidalgo Street alas 12:30 ng madaling araw, matapos dumalo sa Traslacion, at dumaing na masakit ang dibdib at tiyan.  Dahil dito ay agad na dinala si dela Cruz sa pinakamalapit na first aid station.

Inamin ni  Dela Cruz at kasama nito na sila ay nakainom.

Umamin din ang jail officer na hindi siya nakainom ng kanyang maintenance para sa hypertension nitong nakalipas na dalawang araw.

Dahil dito, ipinadala si dela Cruz sa ospital na kanya namang tinanggihan.  Dahil dito, inutusan umano ni dela Cruz ang kasama na kunin na ang kanyang motorsiklo para siya ay makauwi.

Ani Yu pinigil pa nila si dela Cruz na umalis.  Hindi rin ito pumirma sa kanilang waiver na nagsasabi na tinanggihan niya ang treatment.

Makalipas nito ay bigla na lamang nangisay si dela Cruz, dahilan para isugod siya sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).  Hindi na umano ito umabot nang buhay sa ospital.

 

Read more...