IBINANDERA ni Angeline Quinto ang pinakabagong “blessing” na dumating sa kanya sa pagpasok pa lang ng Bagong Taon.
Sumabay sa kapistahan ng Itim na Nazareno ng Quiapo ang pagdating sa kanilang bahay ng isang life-sized replica ng Black Nazarene na iniregalo sa kanya ng isang fan dahil nga kilala siyang deboto ng Mahal na Poon.
Kahapon ginanap ang Traslacion o ang pagpuprusisyon sa Itim na Nazareno na ginagawa ng mga deboto taun-taon. At isa nga sa mga celebrity na kilalang nakikipagsiksikan sa prusisyon ng Nazareno ng Quiapo si Angeline.
“Actually nag-start siya kasi ‘di ba lumaki po ako ng Sampaloc? Ang Mama Bob ko, yung buong Street po namin sa Marzan, dati talagang mayroon po kaming imahe na every year dinadala po sa Quiapo church,” kuwento ni Angeline.
“Ngayon po na hindi na kaya ng Mama Bob ko ang magprusisyon ako na po nagtuloy na kahit wala doon ang Mama Bob ko ako yung pumupunta para sa kanya,” chika pa ng singer.
Aniya, naniniwala siya na ang tagumpay niya sa showbiz ay dahil sa pagiging deboto niya sa Black Nazarene.
“Honestly, madami po at hindi ko na kayang isa-isahin pero ang pinaka hindi ko makakalimutan na dinasal ko sa mahal na poon kasi bago ako sumali ng Star Power (reality talent search ng ABS-CBN) kasi, yun yung time na nagdasal ako ng magkaroon ako ng regular na trabaho sa pamamagitan ng pagkanta,” aniya pa.
“Every Friday po noon and Sunday andoon po ako sa Quiapo nagdadasal hanggang sa dumating na nga po ang Star Power. Nag-try lang ako. Hindi ko naman expected na magtutuloy-tuloy so ayun po ang alam ko na galing talaga sa kanya,” kuwento pa ni Angeline.
Kaya nga sobrang nagpapasalamat ang dalaga sa pagdating sa kanilang bahay ng life-sized replica ng Itim na Nazareno mula sa kanyang tagahanga.
“Sa totoo lang mayroon po akong kaibigan na maraming santo sa bahay, simula noong nanalo po ako sa Star Power palagi niyang sinasabi sakin na ‘bakit hindi ka magpagawa ng sarili mong imahe ng mahal na poon?’
“Sabi ko, ‘Gusto ko talaga pero darating yung time na may makikilala ako na magaling gumawa.’ Yung ayaw ko sadyain para hanapin ko. Tapos isang araw hindi ko inasahan na ito na dumating na siya dito sa bahay,” pahayag pa ng biriterang Kapamilya.
Pangako naman niya, “Hanggang kaya ko, itutuloy ko po (pagiging deboto). Kasi po kahit na marami ang nagsasabi na delikado, kasi kung yung faith mo talaga sa kanya e buong buo mawawala yung takot na iyon.”
q q q
Mainit na tinanggap ng mga manonood ang pagbabalik ng world class talent search na Pilipinas Got Talent matapos itong pumalo sa national TV rating na 36.8% noong Sabado (Jan. 6) at 40.8% naman noong Linggo (Jan. 7).
Tinalo ng pilot episodes ng programa ang mga kalaban nito sa timeslot at nag-trend pa worldwide ang official hashtag nito na #PilipinasGotTalent.
Talaga namang tinutukan at inabangan ng bayan ang pagbabalik ng judges na sina Freddie Garcia, Angel Locsin, Robin Padilla, at Vice Ganda; host na si Billy Crawford, habang unang sabak naman ni Toni Gonzaga bilang PGT host.