‘Sex-for-flight’, hearsay?

SINERYOSO ng Department of Foreign Affairs ang napabalitang “sex-for-fly” scheme. Mismong si Secretary Albert del Rosario ang nagtungo sa tanggapan ni Akbayan Rep. Walden Bello matapos ang pagbubunyag nito na ang mga opisyal ng embassy o consulate ang “gumagamit” o nakiki-pagtalik diumano sa ating mga kababaihan kapalit ng kanilang plane ticket pauwi ng Pilipinas.

Pinangalanan ni Bello ang mga inaakusahan na tinawag pa niyang mga predator. Ngunit ayon kay Sec. del Rosario, hindi direktang kay Bello nagsumbong ang mga complainant. Galing daw sa isang senior DFA official diumano ang pinanggalingan ng kaniyang balita.

Ang mga inakusahan ay sina Mario Antonio, welfare officer at acting assistant labor attaché sa POLO-Jordan, Blas Marquez, contractual employee ng POLO-Kuwait, at isang Kim na miyembro ng Augmentation Team ng DFA sa Syria.

Para sa mga taong kabisado ang mga usapin ng OFW, iisa lamang ang kanilang naging reaksyon: MATAGAL na ‘yang isyung iyan! At mukhang kay Bello lang BAGO ang naturang isyu.
Pero bakit nananati-ling buhay ang isyung ito? At ngayon, tipong pursigido ang lahat na tumbukin na ang problema, pangalanan at papanagutin ang mga salarin.

Seryoso ang DFA, maging si DOLE Secretary Rosalinda Baldoz at OWWA Administrator Carmelita “May”Dizmon.

Kaso may problema, WALANG nagrereklamo o mga complainant! At dahil walang nagrereklamo, mananatiling hearsay o tsismis lang ang lahat at walang dapat paniwalaan.

Paano kung hindi totoo? Hindi ba’t nasiraan na ng puri at pangalan ang taong inakusahan, damay pati ang kanyang buong pamilya?

Tulad na lamang ng hiyaw na katarungan ni Mario Antonio ng Jordan, na kaagad humarap sa media upang magbigay ng kaniyang pahayag sa isang press conference kung saan naroroon din si Administrator Dimzon. Nauna na rito, naging matatag din ang pahayag ni Dimzon na hindi nila kukunsintihin at papanagutin ang sinumang mapatunayang nagkasala.

Ayon kay Antonio handa siyang isumite ang kaniyang sarili sa anumang imbestigasyon na isusulong ng pamahalaan at ipinagpapasalamat niya ang aksyong iyon, dahil nais niyang linisin ang pangalang siniraan.

Gayong nakakausap ng Bantay OCW paminsan-minsan on the air sa Radyo Inquirer si Antonio para sa mga kasong nangangailangan ng agarang solusyon sa Jordan, HINDI naman namin siya kilala ng personal.

Kaya’t nagtanong kami sa isang kasabayan din ni Antonio sa OWWA kung ano ang pagkakilala nila sa kaniya, ito ang tugon ng aming source na ipinadala sa pamamagitan ng isang text message: “Mahusay na officer yan, isa sa mga original Cecors/Welofs (welfare officer). Uncompromising sa OFW protection. Baka may nasagasaan.”

Ayon kay Antonio, may 30 taon na siyang naninilbihan sa OWWA at nanggaling na sa limang mga bansa bilang isang welfare officer. Hindi ‘anya niya itataya sa kaunting halaga o iresponsableng mga pagkilos ang kaniyang pa-ngalan at karerang itinayo sa mahabang panahon.

Hangad din namin na patas ang resulta ang isasagawang imbestigasyon sa lalong madaling panahon.
Nang nagsisimula pa lamang ang Bantay OCW, 16 na taon na ang nakararaan, iyan ang isyu na unang bumulaga sa amin. May pinangalanan din na opisyal ng embahada noon, ang problema, hindi tumayo ang kaso laban sa kanya, dahil walang nagreklamo. Kaya’t lumabas na tsismis lamang ang naturang paratang.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com or I-text ang
pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606

Read more...