Paano mabawasan ang corruption

NGAYONG kumonti na ang mga mandurukot, holdaper, drug pusher at iba’t ibang maliliit na kriminal na nambibiktima ng mga mahihirap, dapat ay pagtuunan ng pansin ng Pangulong Digong ang mga malalaking isda, ‘ika nga, sa iligal na droga.

Ang mga big-time drug traffickers ay buhay na buhay pa sa “Bilibid,” ang kanilang mga protektor ay nasa Kongreso at iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Isang gobernador at isang town mayor sa Luzon na nagpatakbo ng laboratory ng shabu sa kanilang islang probinsiya ay nabigyan ng reprieve o second chance matapos sumanib ang mga ito sa PDP-Laban, ang super-majority political party.

Isang kongresista sa Northern Luzon na nahalal dahil sa iligal na droga ay buhay na buhay pa rin.

Hindi aabot sa gahigante ang problema sa droga kung walang basbas ang mga matataas na opisyal ng bansa.

Pinangangahasan kong sinasabi na ang kasagsagan ng droga ay noong administrasyon ni Noynoy Kuyakoy.

Kung magsasampol lang ang administrasyon ni Digong ng mga “VIP” prisoners sa Bilibid, mga mambabatas at lokal na opisyal na nagbibigay proteksiyon sa illegal drugs, baka mabawasan ang problema sa droga.

Kung anong ginawa sa mga talamak na addict na mga nambibiktima ng mga inosenteng mamamayan at mga pushers, dapat gawin na rin sa mga nabanggit na mga opisyal.

Parang binale-wala ng mga malalaking isda ang pagkaka-salvage kina Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog. Parang hindi sila gaanong natakot.

Mababalot ng takot ang kanilang pagkatao kapag marami pang matulad ang marami sa kanila kina Espinosa at Parojinog.

Pero huwag naman po, masyadong garapal ang pagsalvage sa mga ito. Bigyan naman natin, mga abay, ng “scenario” na kunwari ay nanlaban sila at kanilang mga bodyguards.

Noong taong 1972, matapos maideklara ang martial law, ang gobiyerno ni Pangulong Marcos ay nagpalabas ng isang kahindik-hindik na pagpatay kay Lim Seng, isang Tsino na drug trafficker, sa pamamagitan ng firing squad sa Fort Bonifacio.

Napanood ng libu-libong katao ang execution by firing squad kay Lim Seng at nakita rin ng milyon-milyong katao sa TV.
Mga dalawang taon din na walang problema sa droga ang gobyerno ni Marcos noon.
Bumalik ang drug problem nang wala nang follow-up executions by firing squad ng mga pusakal na kriminal.

***

Sinabi ng Pangulong Digong na sisimulan niya ang pagsibak ng mga corrupt officials kahit na sila’y kaibigan o kamag-anak.

Para magawa ng Pangulo ang bagay na yan, dapat ay magtatag siya ng dalawang grupo ng secret o counter-intelligence na sa kanya lang magrereport.

Ang mga nasabing grupo ay bubuuin ng mga miyembro ng militar—preferably Marines, Army Rangers at Intelligence Service of the Armed Forces— na mag-eespiya sa mga government offices na tanyag sa pagiging corrupt.

Dapat ay walang pulis sa dalawang grupo dahil baka mahawa ang ibang miyembro nito.

Isang grupo ang magkakalap ng impormasyon tungkol sa mga diumano’y corrupt officials.

Yung isa namang grupo ay iba-validate o pabubulaanan ang report ng unang grupo para sigurado ang report.

Ang mga miyembro ng grupo na “burned out” o nabunyag ang identity ay dapat matanggal dahil ginagamit na nito ang kanyang puwesto upang bakalan ang mga taong minamatyagan nila.

Garantisadong mababawasan ng malaki ang corruption sa administrasyon ni Digong kapag sinunod niya ang aking abang payo.

Read more...