Itlog mo, itlog ko, itlog nating lahat

SA totoo lang hindi masamang kumain ng itlog, lalo na ang yolk o ang dilaw na bahagi nito.

Para sa mga bodybuilders, partikular sa mga seryoso na magkaroon ng mga matitigas na muscles, isang dosena kung kumain sila ng itlog, pero itinatapon ang dilaw nito. Mali.

Base sa pag-aaral na inilabas ng American Journal of Clinical Nutrition, sinasabi nito na hindi lamang egg white ang dapat kainin.

Ayon kay Nicholas Burd, isang professor ng kinesiology and community health ng University of Illinois, na nanguna sa pananaliksik, na nakatutulong ang egg yolk para sa abilidad ng katawan na ma-absorb ang protina para sa muscles.

Malaki ang naitutulong ng pagkain ng 18 gramo ng protina mula sa itlog pagkatapos ng resistance workout para sa pagpapalaki ng muscles, kumpara sa mga tao na egg white lamang ang kinakain.

Ayon pa sa pag-aaral, 40 porsiyento na mas nakakatulong sa pagpapalaki ng muscles ang pagkain ng buong itlog, kumpara sa mga taong egg white lamang ang kinakin.

“We saw that the ingestion of whole eggs immediately after resistance exercise resulted in greater muscle-protein synthesis than the ingestion of egg whites,” sabi ni Burd.

Siksik sa sustansiya ang itlog. Nagtataglay ang mga ito ng mataas na kalidad ng protina, na may taglay ng siyam na essential amino acids. Nakatutulong ang itlog para mabuo ang mga muscles, maipreserba ang muscles at makatulong sa satiety.

Kabilang din sa iba pang sustansiya ng itlog ang vitamin D, vitamin A, vitamin B12, riboflavin (B2), selenium, lutein, zeaxanthin, at omega-3 fatty acids. At makikita lamang sa dilaw ng itlog ang mga bitamina at mineral bagamat nagtataglay din ng calories, na siyang dahilan kung bakit itinatapos ito ng mga gustong pumayat.

Sinasabing mataas din ito sa cholesterol. Aabot sa 186 mg ng cholesterol ang taglay ng isang malaking itlog, pero hindi naman nakakaapekto ang dietary cholesterol sa blood cholesterol, na siyang nagdudulot ng pagbabara ng mga arteries.

Sa katunayan, mababa sa saturated fat ang itlog, na siyang nakakapagpataas ng lebel ng blood cholesterol, at mataas sa unsaturated fats. Base sa pinakahuling meta-analysis, hindi rin konektado ang pagkain ng isang itlog sa pagtaas ng tsansa na magkaroon ng coronary heart disease o stroke.

Ang totoong salarin ay hindi ang itlog, kundi kung paano ihanda ang pagkain at kung ano ang sangkap nito.

Read more...