Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. LPU vs UPHSD (juniors)
9:30 a.m. LPU vs UPHSD (men’s)
11 a.m. LPU vs UPHSD (women’s)
12:30 p.m. EAC vs Arellano (men’s)
2 p.m. EAC vs Arellano (women’s)
3:30 p.m. EAC vs Arellano (juniors)
SASANDIGAN muli ng nagtatanggol na kampeong Arellano University Lady Chiefs si Regine Arocha sa pagnanais nitong masolo ang liderato sa pagsungkit sa ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa ngayong hapon sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa NCAA Season 93 volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Una munang sasabak ang defending juniors champion University of Perpetual Help System Dalta Altalettes kontra Lyceum of the Philippines University Baby Pirates alas-8 ng umaga bago sundan ng men’s division match sa pagitan ng LPU Pirates at pumangalawa noong nakaraang taon na UPHSD Altas sa alas-9:30 ng umaga.
Sunod na magsasagupa ang kapwa naghahangad sa unang panalo na LPU Lady Pirates at UPHSD Lady Altas sa ganap na alas-11 ng umaga bago sundan ng men’s division game sa pagitan ng EAC Generals at Arellano University Chiefs dakong alas-12:30 ng hapon.
Agad itong susundan ng salpukan sa pagitan ng EAC Lady Generals kontra Arellano Lady Chiefs alas-2 ng hapon bago ang panghuli sa anim na itinakdang laro sa alas-3:30 ng hapon sa pagitan ng EAC Brigadiers at Arellano Braves sa juniors division.
Binigo ng Lady Chiefs ang Mapua University Lady Cardinals sa loob ng tatlong set, 25-10, 25-17, 25-13, sa unang araw ng torneo upang agad na pag-initin ang hangarin nito na masungkit ang back-to-back title sa women’s division.
Pinamunuan ni Arocha ang Season 92 champion na Lady Chiefs, na binubuo pa rin ng halos kumpletong listahan ng champion team nitong nakaraang taon, sa pagtala ng kabuuang 12 puntos katulong ang back-up setter na si Sarah Princess Verutiao na nagtala ng 28 excellent hits kasama ang anim na puntos para mapunan ang pagkawala ng starting setter na si Rhea Ramirez na nagtamo ng shoulder injury.
Nabigo naman ang EAC sa San Sebastian College kahit pito lamang ang manlalaro ng Lady Stags, 16-25, 19-25, 16- 25.