SA kabila ng sinasabing kampanya ng gobyerno kontra kontraktuwalisasyon, ipinapatupad ngayon ng Presidential Communications Office (PCO) ang malawakang pagsibak sa mga kontraktuwal at ang masama, kabilang dito ang mga empleyado na panahon pa ng mga dating pangulo nanilbihan, o deka-dekada nang nagseserbisyo sa Malacañang.
Power tripping ba ang ginagawa ng PCO kaya’t sinisibak ang mga empleyado na napakaraming taon nang nanilbihan sa gobyerno?
Nagtuturuan ngayon kung sino ang nag-utos ng pagsibak ng empleyado ng PCO. Ang PCO ay nasa pamumuno ni Secretary Martin Andanar.
Ayon sa mga ilang opisyal ng PCO, sumusunod lang umano sila sa kautusan kayat ipinapatupad ang sibakan.
Pagpasok ng Enero, isa-isang sinabihan na lamang ang mga empleyadong kontraktuwal na hindi na dapat mag-report sa kani-kanilang trabaho.
Ang siste, ang numero unong tinarget sa sibakan ay mga matatagal nang kontraktuwal na naglilingkod na mula pa noong panahon ng mga nakaraang presidente, kagaya noong panahon ng Arroyo administration.
Napakaraming contractual ang tinanggap sa PCO para sa nakaraang ASEAN summit ngunit imbes na ang mga ito ang unang sibakin dahil tapos na ang budget para sa kanila, ang mga napakatatagal nang naninilbihan na mga empleyado ang pinag-initang tanggalin ng pamunuan ng kagawaran.
Sa pagsibak ng mga datihang mga staff partikular sa Press Working Area, hindi man lamang kinonsidera ng kung sino man ang kumukumpas sa sibakan na may pamilya rin ang kanilang tinatanggalan ng trabaho.
Dahil sa mga contractual, walang benepisyo ang mga sinibak na empleyado dahil umaasa lamang sila sa buwanang sweldo.
Pangako ng administrasyon na tatapusin ang malawakang kontraktuwalisasyon sa bansa ngunit ang PCO ang unang nagsusulong nito.
Mismong mga empleyado ng gobyerno, partikular ng PCO ang biktima ng di tamang pagturing sa mga kawani nito.
Kung magpapatupad man ng retrenchment ang PCO, hindi ba dapat “last in, first out” ang magiging panuntunan nito o ‘yung mga kinuha para sa ASEAN summit ang dapat unahin sa ginagawang sibakan?
Tumanda na sa pagseserbisyo sa pamahalaan ang mga unang sinibak ng PCO, kahit nais pa nilang maghanap ng bagong trabaho, mahihirapan na rin sila.
Hindi kagaya ng mga kinuha para sa Asean summit na tiyak namang mga nasa tamang edad pa ang mga ito para makahanap ng trabaho.
Ni hindi isinaalang-alang ng PCO na may pinag-aaral ang mga sinibak na mga empleyado.
Hindi pwedeng palakasan na lamang ang pairalin sa isang ahensiya.
Alam kaya ni Pangulong Duterte ang ginagawa ng PCO, dahil kung alam niya, tiyak kong hindi na kukunsintihin ang pagmamalabis sa puwesto kung sino man ang nagpapatupad ng sibakan sa ahensiya.
Nais nating sumunod ang mga pribadong kompanya sa kampanya kontra kontraktuwalisasyon pero ang
PCO ang numero unong nagtataguyod nito.
Dapat magsalita si Secretary Andanar hinggil sa isyu.