KAYA uling kitain ni Ka Freddie Aguilar ang milyones na halaga ng bahay niyang nasunog pero wala nang makakapalit ang mga nasunog niyang parangal at memorabilia na ilampung taon niyang inipon at iningatan.
Ipinagpapasalamat niya na walang buhay na nalagay sa indulto sa sunog, nakaligtas ang lahat ng naiwan sa kanyang bahay habang nasa bar niya sa Tomas Morato ang singer-composer, pero siyempre’y matinding lungkot pa rin ang hatid sa kanya sa pagkatupok ng mga koleksiyong pinakaiingatan niya.
Ang mga gitara niyang nasunog ay kakambal niya sa pagtatrabaho, iba-ibang instrumento ‘yun na binibili niya sa mga bansang pinupuntahan niya para mag-show, napakahalaga kay Ka Freddie Aguilar ang mga kagamitan niyang nilamon ng abo.
Sabi nga, manakawan ka na nang ilang beses, huwag ka lang masunugan. Sa nakawan kasi ay ilang kagamitan ang nawawala pero sa sunog ay halos walang naisasalba.
Pero ibang klase na rin ang mga nagaganap na nakawan sa kasalukuyan, hindi lang mga importanteng kagamitan ang nawawala, pinapatay pa ang may-ari ng bahay.
Napakadelikado na nga ng kapaligiran ngayon. Habang sinasabi ng pamunuan ng PNP na maagap sila sa mga nagaganap na krimen ay saka naman nagkakatusak ang mga masasamang-loob.
Manakawan at masunugan. Pantay na lang ang epekto ngayon sa mga nabibiktima.