Jerome, Nash patalbugan ng akting sa ‘Good Son’

NASH AGUAS AT JEROME PONCE

MALAKING pasabog ang inihain ng Kapamilya primetime series na The Good Son sa pagtatapos ng 2017.

Kaya naman nagtala ang serye ng panibagong all-time high na national TV rating matapos tutukan ng mga manonood sa buong bansa ang mainit na komprontasyon sa pagitan nina Enzo (Jerome Ponce) at Calvin (Nash Aguas) na muntikan nang mauwi sa pagpapakamatay ng huli.

Nagkamit ang serye ng national TV rating na 21.7%, ayon sa datos ng Kantar Media, dahil sa makapigil-hiningang eksena kung saan pilit na inalam ni Enzo kung may kinalaman ba si Calvin sa pagkamatay ng ama niyang si Victor (Albert Martinez). Humantong pa ito sa akmang pagtalon ng nakababatang Buenavidez mula sa tuktok ng isang abandanadong gusali.

Online, umulan naman ng mga papuri mula sa mga manonood ang pagganap ng cast ng programa.

“Ang galing ng cast ng TGS at pantay-pantay ang kahalagahan at exposure ng bawat aktor. Bawat isa ay may shining moment,” tweet ng Twitter user na si @direkrodel.

“Nash Aguas is brilliant! He’s young pero beterano. Ang galing galing niya,” papuri naman ni @rolfhrodriguez.

“Ms. Eula Valdez pang best actress ka talaga! Nash, sobrang convincing ng acting mo. Jerome, you improved so much! Kudos to these three brilliant actors,” sabi naman ng YouTube user na si Christy Prejido.

Bago pa ang eksena noong Biyernes, naging usap-usapan na rin sa social media ang serye noong Kapaskuhan dahil sa kabilib-bilib na pagganap ni Nash sa kanyang karakter matapos isiwalat ang sakit niya sa pag-iisip at imahinasyon lang pala ang kaibigan niyang si Justine (Alexa Ilacad).

Sa pagpapatuloy ng kuwento, puno pa rin ng pagdududa si Joseph (Joshua Garcia) sa tunay na pagkatao ni Calvin kaya naman patuloy siyang maghahanap ng ebidensya upang mapatunayang siya ang anak ni Dado (Jeric Raval). Ngunit sa kabila naman nito, uumpisahan nang gumawa ni Olivia (Eula) ng hakbang upang mapatigil si Joseph, kahit pa idaan niya ito sa dahas.

Malaman na nga kaya ni Joseph na si Calvin ang anak ni Dado? Ano naman kaya ang mga plano ni Olivia upang maprotektahan ang kanilang sikreto?

Huwag palampasin ang kakaibang kaso ng pagmamahal para sa pamilya sa The Good Son, gabi-gabi pagkatapos ng La Luna Sangre sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

Read more...