Nakuryente sa parlor game, patay

Nasawi ang isang lalaki nang aksidenteng makuryente habang lumalahok sa parlor games ng New Year’s party ng kanilang youth association, sa Pozorrubio, Pangasinan, nitong Miyerkules, ayon sa pulisya.
Isinugod pa sa ospital si Arnold Mejia, 24, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng umaga, habang idinaraos ng Northern Youth Malasin Association ang New Year’s Party nito sa Sitio Calumpagi, Brgy. Malasin.
Sa gitna ng pakikilahok sa larong “Trip to Jerusalem,” aksidenteng nasipa ni Mejia ang bakal sa center tower ng sound system na diumano’y grounded.
Dahil doo’y nakuryente si Mejia at nawalan ng malay, ayon sa ulat.
Dinala si Mejia sa Pozorrubio Community Hospital para malunasan, pero idineklarang dead on arrival ng doktor. (John Roson)

Read more...