HUSTISYA! ‘Yan ang sigaw ng komedyanteng si Super Tekla para sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Marife Librada sa Kuwait.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ng Kapuso comedian (Romeo Librado sa tunay na buhay) na hindi siya naniniwalang nagpakamatay ang kanyang nakababatang kapatid na isang OFW sa Kuwait.
Naniniwala siya na hinding-hindi kayang gawin ni Marife ang kitilin ang sariling buhay.
Narito ang ilang bahagi ng mensahe ni Tekla sa sinapit ng kanyang kapatid: “DI AKO NANINIWALANG NAGPAKAMATAY KA DI DAHIL WALA AKNG MAKITA AT MAISIP NA DAHILAN PARA GAWEN MO YUN! HINDI AKO TITIGIL HANGGANG DI MABIGYAN NG HUSTISYA ANG PAGKAMATAY MO JAN SA KUWAIT.”
Pagpapatuloy pa ng komedyante, “SAYANG DIMANLANG KITA NASABIHAN NA MAHAL NA MAHAL KA NI KUYA ANG SAKIT SA DIBDIB ANG KA LUNOS LUNOS NA SINAPIT MO JAN! PAALAM BHIEE BUNSO DI KA NA NAMIN MAKAKASAMA!!!”
Nag-Facebook Live din ang Kapuso comedian para pasalamatan ang lahat ng mga nakiramay sa kanilang pamilya kasabay ng paghingi ng tulong sa Duterte government para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid, partikular na sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait.
“Sana po ay matulungan tayo ng embassy na masilip ang kaso ng kapatid ko para malaman po namin kung siya ang pinatay o nagpakamatay.
“Ang kapatid ko po ay isa rin pong biktima, minamaltrato sa ibang bansa. Matatanggap po namin kung talagang nagpakamatay siya. Wala naman po kami magawa, pero kung sakali hong bigyan po kami ng pagkakataon na masilip po ang sitwasyon ng kapatid ko diyan sa Kuwait,” pagsusumamo pa ni Tekla.
Dugtong pa niya, “Para po ma-prevent pa po natin kung saka-sakali po na may mga insidente pang mangyari uli sa mga kababayan natin na nangingibang-bansa na inaabuso tapos pinapalabas nila na nagpakamatay. Alam ko na hindi lang ako ang nakakaranas ng ganito. Marami po kaming mga pangyayaring ganyan pero wala pong choice kasi wala naman silang magagawa.
“Buong puso naming tatanggapin ‘yon kung siya ay nagpakamatay. Pero sana po kung may pagkakataon bibigyan naman kami ng laban para naman mabigyan ng linaw ang pagkamatay ng kapatid ko.
Maraming maraming salamat po sa inyong lahat,” pagtatapos pa ni Super Tekla.
Balitang nasa Canada ngayon si Super Tekla para sa ilang shows kasama si Donita Nose. Uuwi raw agad sa Pilipinas ang komedyante para asikasuhin ang labi ng kanyang kapatid.