PORMAL nang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na si Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Marcial Quirico C. Amaro III ang sinibak ni Pangulong Duterte matapos sa sobra-sobrang junket matapos umabot sa 24 ang kanyang biyahe sa loob lamang ng 13 buwan.
“Tama naman po sigurong sabihin na sinibak,” sabi ni Roque.
Nauna nang ipinagpaliban ni Roque ang paghahayag ng opisyal na inalia ni Duterte sa puwesto.
“Meron na pong order na ituloy na,” ayon pa kay Roque.
Idinagdag ni Roque na may susunod pa na matatanggal na opisyal, bagamat hindi na nagbigay ng detalye.
“Meron pa po. Meron pang susunod.
Wala pa po, wala pang petsa. At sa susunod po diretso na ako, wala nang warning, wala nang teaser, diretso na,” ayon pa kay Roque.
Base sa datos, umabot sa 24 ang biyahe ni Amaro sa loob lamang ng 13 buwan mula 2016 hanggang 2017.
“Let this be a reminder to all public officials that the President is serious in his mandate that they should lead modest lives, that they should be true to their calling, and that they should avoid unnecessary trips,” dagdag ni Roque.