‘Para ano pa ang aking kapangyarihan?’

BINABAYBAY ni Edward Auguis, isang OFW, sa kanyang motorsiklo ang kahabaan ng national highway sa Baclayon, Bohol nang nagka-head on collision siya sa isang kotseng Nissan Juke.

Ang nagmamaneho ng Nissan ay si Joshua Rayven Chatto, 16 anyos, na wala sa linya ng highway. Isa pa, walang driver’s license ang batang si Chatto.

Maliwanag na dapat panigan ng batas itong si Auguis dahil ang nakabanggaan niya ay walang driver’s license at hindi alam ang batas trapiko.

Bagong bigay ng kanyang ama bilang regalo ang kotse ni Joshua Rayven.

Alam ba ninyo ang nangyari? Si Auguis ang may kaso at ang kasong isinampa niya sa batang Chatto ay ibinasura.

Alam ba ninyo kung bakit?

Ang tatay ng bata ay si Tagbilaran City Prosecutor Romeo Chatto.

Ang piskal na nagsampa ng kaso laban kay Auguis ay si Bohol Provincial Prosecutor Raul Cristoria.

Maliwanag na kinampihan ni Piskal Cristoria ang bata dahil ito’y anak ng kapwa niya piskal na si Chatto.

Nagsampa ng motion for reconsideration si Auguis sa pagsampa ng kaso sa kanya sa korte, pero ito’y ibinasura pa rin ni Cristoria.

***

Wasak na wasak ang motorsiklo ni Auguis.

Tumalsik siya sa kanyang motor at tumama siya, una ang ulo, sa windshield ng kotse.

Nagkamalay na lang siya sa ospital.

Ang batang Chatto at kanyang kaibigang pasahero ng kotse ay nagtamo ng maliit na sugat dahil sa basag na salamin.

Ipinakita sa amin sa “Isumbong mo kay Tulfo” ang kopya ng police sketch ng aksidente.

Sa aking pananaw, base sa sketch, ang kotse ng batang si Chatto ang nasa wrong lane ng highway nang magkabanggaan ang kotse at motor.

Nang magkamalay si Auguis at pumunta sa police station ng Baclayon, nandoon na si Piskal Chatto at siya pa ang may ganang magalit sa pobreng OFW.

Nakausap ng inyong lingkod si Chatto sa aking programa sa Radyo ng Pilipinas (DZRP) kahapon ng umaga.

Ipinagtanggol ang kawalang lisensiya ng kanyang anak. Sabi ng piskal, wala raw kinalaman ang driving without license ng kanyang anak sa aksidente at si Auguis daw ang may kasalanan.

Hello, are you there? (Sabay tuktok sa ulo ni Piskal Chatto).

Sa aking pagkakaalam, kahit saan mo dalhing korte ang kaso, talo ang anak ni Chatto dahil wala itong lisensiyang magmaneho ng kotse.

At ipagpalagay na nating mali si Auguis, talo pa rin ang anak ni Chatto dahil wala nga siyang lisensiya.
Ang hirap kay Piskal Chatto, pinatatama niya ang mali!

Naniniwala siya sa kasabihan sa Ingles na “might is right.”

Parang kasama siya sa kategorya ng noon ay Senate President Jose Avelino sa abuso ng kapangyarihan.

Si Senator Avelino ay naging tanyag sa kanyang sinabing, “What are we in power for?”

“Para ano pa ang kapangyarihan natin?”
Dapat maalis si Chatto sa gobyerno. Walang lugar ang mga abusadong opisyal na gaya niya.

***

Ang Pilipinas daw ang isa sa tatlong bansa sa mundo na pinakamasaya ang mga mamamayan.

Ito’y ayon sa isang survey ng Gallup International’s 41st Annual Global End of the Year Survey.

Napag-alaman ng Gallup na 86 porsiyento ng mga Pinoy ang masaya at dalawang porsiyento lang ang nagsabing hindi sila masaya.

Pangatlo ang Pilipinas sa Colombia at Fiji.

Ang sakit namang pakinggan na inihahambing ang Pilipinas sa Colombia, na paraiso ng mga drug lords at narco-politicians!

Kung hindi naging Pangulo si Digong ay baka matulad na ang bansa natin sa Colombia.

 

***

Ayaw kong maging killjoy pero sa nakikita ko ang pagiging masayahin ng mga Pinoy ang dahilan kung bakit tayo’y mahirap na bansa.

Puro fiesta, puro holiday na lang ang nasa isip ng Pinoy.

Kaunting kibot, walang pasok ang mga opisina at paaralan.

Mas gusto ng Pinoy ang magbakasyon kesa magtrabaho.

Bilangin mo sa kalendaryo kung ilang holidays o walang pasok ang mga opisina sa Pilipinas at maiintindihan mo ang aking sinasabi.

Tinanong ko ang kaibigan kong Koreano kung bakit umunlad ang kanilang bansa kahit na nalugmok ito sa giyera na naghati ng kanilang bansa sa North at South noong dekada ‘50.

Sinabi ng Koreano na matapos ang Korean war, puspusang nagtrabaho ang mga mamamayan ng South Korea.

“Wala kaming holiday. Ginawa namin araw ang gabi. Kahit gabi nagtrabaho ang aking mga kababayan.

Di kami nagpahinga hanggang naabot namin ang puwesto namin ngayon sa mundo,” sabi ng kaibigan kong Koreano.

Sana’y tumulad tayo sa South Korea.

Read more...