UMABOT sa P20 million halaga ng ari-arian ang natupok matapos masunog ang bahay ng OPM icon na si Freddie Aguilar sa North Fairview, Quezon City.
Sa ulat ng GMA, nagsimula ang sunog alas-11:06 kamakalawa ng gabi at naapula bandang 11:39 p.m.. Wala naman daw nasaktan sa nasabing sunog.
Base sa salaysay ng anak ni Ka Freddie na si Jeriko, hindi sila agad nakalabas dahil makapal na ang usok sa loob ng bahay. Sa balcony sila dumaan palabas at tumawid sa bubong ng kapitbahay.
Sabi naman ni Ka Freddie nasunog ang halos lahat ng mahahalagang bagay sa kanilang tahanan, kabilang na ang recordings, awards at musical instruments. Ang naisalba lang raw niya ay ang kanyang gitara.
“Iyong mga CD na pinaghirapan ko, ewan ko kung buhay mga records sana. Nandiyan iyong mga bestseller ko na album, mga di pa nabuksan. Pero OK lang, at least walang buhay na nawala,” ani Ka Freddie sa isang panayam. Iniimbestigahan pa kung ano ang naging sanhi ng sunog.