RAMDAM ng publiko ang saya at lungkot na bumalot kay Alden Richards sa selebrasyon ng kanyang kaarawan nu’ng isang araw. Magkahalong saya at lungkot dahil kapag may dumarating na mahalagang okasyon sa kanyang buhay ay naaalala niya ang mommy niya na maagang pumanaw.
At huwag na si Alden, kahit sinong anak ay ganu’n ang mararamdaman, maraming salamat dahil naging produktibo ang kanyang karera pero siyempre’y sumisiksik pa rin sa kanyang isip ang isang taong mahal na mahal niya na hindi na niya kasama ngayon.
Kumpleto na sana ang kanyang kaligayahan kundi maagang nawala ang kanyang ina. Hindi tuloy nasaksihan ng mommy niya ang napakagandang takbo ng kanyang career ngayon.
Silang dalawa pa naman ang madalas na magkasamang nangangarap nu’n tungkol sa pag-aartista ni Alden, ang kanyang ina ang madalas magsabi sa kanya na makikilala siya, pero mas matindi pa pala du’n ang magaganap sa kanyang pangarap.
Saanman makarating si Alden Richards, maging milyonaryo man siya at sumikat pa nang todo, ay hindi pa rin makukumpleto ang kanyang kaligayahan.
Palaging may kulang. Palagi siyang may hinahanap. Palaging ganu’n ang bawat anak na maagang nawalay sa kanyang magulang.