MayWard, McLisse bidang-bida sa Japanese manga


PINASOK na ng dalawang sikat na Kapamilya loveteam – ang MayWard (Maymay Entrata at Edward Barber) at McLisse (McCoy de Leon at Elisse Joson) ang mundo ng publishing.

Gaganap ang apat na bagets bilang mga karakter sa double-cover na mangaserye na “He’s My Oppastar” at “Vlogger Girl Problems.”

Siguradong mag-eenjoy kayo sa kanilang mga karakter sa mga librong nagbibigay ng twist sa tradisyunal na paraan ng pagkukuwento. Ang manga ay isang istilo ng Japanese comics o nobela para sa iba’t ibang edad ng mambabasa.

Si Macy (Maymay) ay isang fangirl ng KPop group na Miniluv sa librong “He’s My Oppastar.” Siya ay tila maguguluhan sa pagdidiskubre kung ang bagong kaklase na si Eddie (Edward) ay ang kanyang “oppa” na si Red, ang lead vocalist ng Miniluv. Siya nga kaya ang inaasam-asam na idolo o nagkakamali ang masayahing si Macy?

Si Elisse naman ay unti-unting nakikilala bilang beauty at lifestyle influencer na si Elaine sa “Vlogger Girl Problems.” Isang araw, mahoholdap siya at isang misteryosong lalaki (McCoy) ang tutulong sa kanya, at magpapatuloy pa ang mga pagsagip na ito sa mga susunod na araw.

Papangalanan niya ang lalaking tila nagpapakita sa kanyang mga videos bilang si “Mr. Blue” at hahanapin niya ito upang higit pang makilala.

Ang dalawang kwentong ito ay magkaugnay at ka-abang-abang kung paano magku-krus ang mga landas nina Macy, Eddie, Elaine, at Mr. Blue.

Mabibili na ang book 1 at 2 ng “He’s My Oppastar” ng MayWard at “Vlogger Girl Problems” ng McLisse sa iba’t ibang branches ng National Bookstore o Powerbooks.

Samantala, patuloy pa ring umaariba ang career nina Maymay at Edward at wish ng kanilang milyun-milyong supporters na magtuluy-tuloy ang kanilang swerte ngayong Year of the Dog.

Hiling din ng MayWard fans na sana’y magkaroon na ng follow-up movie ang nasabing loveteam pagkatapos ng kanilang blockbuster launching movie na “Loving In Tandem” kung saan nakasama rin nila sina Kisses Delavin at Marco Gallo.

Sa ngayon, isa sa mga inaabangan ng manonood gabi-gabi sa seryeng La Luna Sangre ang loveteam nina Maymay at Edward.

Read more...