500 sundalo vs terorista sa pista ng Nazareno

Magpapakalat ang Armed Forces ng higit sa 500 sundalo para tiyaking ligtas ang pista ng Itim na Nazareno sa anumang marahas na insidente, kabilang na ang pag-atake ng mga terorista.
Walang namo-monitor na “verified” na banta ng terorismo sa pista, pero kasama ito sa mga babantayan, sabi ni Brig. Gen. Alan Arrojado, ang bagong  hepe ng AFP Joint Task Force-NCR.
“I have studied updates and situations, we always consider the possibility of terrorism, but, it is, not as verified,” aniya.
Ikakalat ang mga miyembro ng task force sa iba-ibang oras at lugar para suportahan ang operasyon ng mga pulis, ani Arrojado.
Si Arrojado ay kilala bilang dating commander ng Joint Task Force Sulu, ang pangunahing unit ng militar na sumasagupa sa teroristang Abu Sayyaf.
Bago iyo’y naging hepe din siya sa Army 501st Brigade, na napalaban naman sa mga rebeldeng komunista at moro, sa North Cotabato.
Matapos maitalaga sa North Cotabato at Sulu, naging assistant commander si Arrojado sa AFP Central Command na nakabase sa Cebu.
Ayon sa opisyal, malaki ang pagkakaiba ng paglaban sa terorista sa urban areas gaya ng Metro Manila, kung saan “lone wolf” attacks ang inaasahan.
“We will do our best, na maging effective kami sa aming mandate in securing the seat of government against destablizers, terrorism,” aniya pa. (John Roson)
– end –

Read more...