Unified junior flyweight crown asam ngayon ni Melindo

PILIT na iuuwi ni Milan Melindo sa kanyang baywang ang prestihiyosong boxing crown sa pagsagupa nito sa kapwa kampeon na si Ryoichi Taguchi ngayong gabi, para sa pinagsama-sama na world junior flyweight title sa Tokyo, Japan.

Maagang nagtungo sa Japan si Melindo upang makasanayan ang lugar pagkalipas lamang ng Kapaskuhan para sa hangad nitong maregaluhan ang sarili at Pilipinas bilang bagong unified champion bago matapos ang taong 2017.

Bahagya na lamang nagsanay ang 29-anyos na si Melindo para kumpletuhin ang tatlong buwang pagsasanay kontra sa matindi nitong hamon sa pagsagupa kay Taguchi.

Ang 31-anyos na Japanese fighter na si Taguchi ay tatlong taon na nanatiling kampeon at nanalo sa lima sa kanyang anim na title fight. Tanging nakapag-draw dito si Carlos Canizales sa nakaraang taon na New Year’s Eve title bout.

Hindi na baguhan si Melindo sa labanan sa labas ng bansa matapos na magwagi rin sa Japan ngayong taon subalit hndi nagbabakasakali ang kampo ng mga Pilipino sa tsansa nito sa krusyal na kampeonato.

Kapit ni Melindo ang kabuuang 37-3 panalo-talong record na may 13 knockout habang ipinagmamalaki ni Taguchi ang 26-2-2 panalo-talo-tabla na kartada na may 12 knockout.

Dumating si Melindo kasama ang maliit na koponan ng Cebu-based ALA boxing stable na binubuo ni trainer Edito “Ala” Villamor sa Tokyo, Japan Martes ng hapon mula sa apat na oras na biyahe galing Cebu.

Sinabi ni Villamor na lubhang determinado si Melindo, na bitbit ang International Boxing Federation (IBF) junior flyweight title, na maagaw ang hawak naman ni Taguchi na World Boxing Association (WBA) belt sa kanyang koleksiyon na makakapagpatunay dito na siya ang best fighter sa 108-lbs division.

Ang tradisyunal na Japanese New Year’s Eve title bout ay isasagawa sa Ota City gymanasium sa Tokyo.

Matatandaan na sa Japan din nagawa ni Melindo na koronahan ang sarili bilang isang world champion pitong buwan na ang nakalipas sa pagpapabagsak nito kay Akira Yaegashi sa loob lamang ng isang one round upang dismayahin ang mga manonood sa loob ng Ariake Colosseum sa Tokyo.

Matagumpay na naipagtanggol ni Melindo ang titulo kontra sa dating world champion na si Hekki Budler sa Cebu noong Setyembre bagaman inaasahang magiging mahigpit ang laban nito kontra Taguchi.

Read more...