Jeepney sumalpok sa puno, tumagilid; 20 sugatan

Dalawampu katao ang nasugatan nang sumalpok sa puno at tumagilid ang sinakyan nilang jeepney, sa Sagay City, Negros Occidental, Huwebes ng hapon.
Sugatan ang driver na si Rodrigo Bernabat, 40, at lahat ng kanyang pasahero, kabilang ang apat na menor de edad, ayon sa ulat ng Negros Occidental provincial police.
Naganap ang insidente dakong ala-1:40, sa bahagi ng National Highway na sakop ng Purok Linasgasan, Brgy. Bato.
Minamaneho ni Bernabat ang jeepney (FVM-1764) mula Sagay City proper patungo sa direksyon ng bayan ng Don Salvador Benedicto, nang bigla itong mag-swerve sa kanan, sumalpok sa isang puno ng acacia, at tumagilid pakanan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na naputol ang “draggling” ng jeepney kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Dinala ang driver at kanyang mga pasahero sa A.E. Marañon Sr. District Hospital para malunasan.

Read more...