Kawalan ng shipboard training iimbestigahan

KAKULANGAN o walang shipboard training!

Ito ang matinding problemang kinakaharap pa rin ng mga kadeteng hindi nakatatapos ng kanilang maritime courses. Marami ang literal na nakatunganga ngayon at naghahanap na lamang ng ibang mapagkakakitaan. Mga security guard, salesman, driver at dancer pa nga ang trabaho ng ilan sa mga estudyanteng ito ngayon.

Ipinaalam namin ang usaping ito kay Labor Secretary Silvestre Bello III nang makapanayam namin siya sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM. Nangako siyang agad niyang paiimbestigahan ang naturang isyu at sisiguruhing may mananagot at may mababago sa kasalukuyang umiiral na sistema.

Masamang-masama ang loob ng nanay ng isang kadete nang tumawag ito sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer. Sabi niya, asang-asa pa naman ang kanilang buong pamilya na makasasakay na ng barko ang anak palibhasa’y graduating nga ito, ngunit hindi siya makatapos-tapos!

Ang dahilan? Wala itong shipboard training! Wala siyang masakyang barko para sa kaniyang OJT o on-the-job training. Bahagi ito ng cadetship program upang maka-graduate ang isang maritime student.

Ang sistema kasi ngayon, kaniya-kaniyang hanap ng barkong masasakyan ang mga estudyante upang matugunan nila ang requirement na makumpleto ang kanilang kurso.

Ang masaklap niyan, dahil sa sariling sikap, kapag nakakita ng barkong masasakyan sa loob ng isang taon, kailangan pa nilang magbayad ng tuition sa kanilang maritime school. Gayong hindi naman sila ang naghanap ng barkong masasakyan ng kadete. Dapat ay obligasyon nilang sila ang magpasakay sa mga barkong kinakailangan ng kanilang mga estudyante.

Pero ang malaking tanong diyan, bakit kailangang magbayad ng tuition sa kanilang eskuwelahan gayong sa mga barko naman sila sasakay at magte-training? Bakit sila pa ang kumikita at nakikinababang sa kanilang mga kapabayaan?

Sabi ni Atty. Dennis Gorecho, maritime lawyer ng Bantay OCW, naging malaking usapin ‘anya ito kung kaya’t nilagyan ng kategorya noon ang mga eskuwelahang ito. Sa Category A, ito ang mga paaralan para lamang sa mga mag-oopisyal at ang Category B para sa mga ratings o non-officers.

Pero ayon kay Captain Edwin Itable, pangulo ng Masters and Mates Association of the Philippines na binubuo ng may 50,000 mga miembro, hindi nasusunod ang mga nasabing kategorya.

Sabi ni Itable, bago ang eleksyon noong 2016, napasara na at nabawasan na ang mga maritime schools at bumaba ito sa bilang na 50 na lamang. Ngunit matapos ang eleksyon, balik sa dating gawi. Ngayon mahigit 90 na naman ang mga maritime schools na tuloy pa rin ang dating estilo o dating gawi.

Hindi nila mabigyan ng shipboard training ang kanilang mga estudyante.

Sabi nga ng nanay ng kadete, nag-dancer na ang kanyang anak at nawawalan na ito ng pag-asang makatapos pa at matupad ang pinapangarap na maging marino ng bansa dahil sa bulok na sistema na pinaiiral ng maritime school.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...