Nash Aguas nilamon ang mga kaeksena sa The Good Son

NASH AGUAS AT ALEXA ILACAD

ISANG eksena ‘yun na kahit pa nadyidyinggel ka na ay magtitiis ka munang huwag magpunta sa banyo.

Kailangan mo kasing kumpletuhin ang pagtutok sa isang tagpo na paminsan-minsan mo lang napapanood.

Sinusubaybayan namin ang seryeng The Good Son. Maganda kasi ang daloy ng kuwento ng serye, magagaling na artista ang gumaganap, pati ang mga baguhang artistang binigyan ng magagandang papel sa istorya.

Gustung-gusto namin ang acting ni Joshua Garcia na natural na natural kaya ikinukumpara ang young actor kay John Lloyd Cruz.

Pero nu’ng Martes nang gabi ay gusto naming palakpakan ang ipinakitang pagganap ng dating child actor na si Nash Aguas. Ibang klase! Nilamon niya ang lahat ng kanyang mga kaeksena nang komprontahin siya ni Jerome Ponce (gumaganap bilang kuya niya) tungkol sa isang Justine na ipinakikilalang inspirasyon ni Calvin sa istorya.

Imaginary friend lang pala niya si Justine, walang totoong Justine, imahinasyon lang ni Calvin bilang maysakit na schizophrenia ang binatilyo.

Bumigay ang emosyon ni Calvin, kanyang-kanya ang eksena, ipinipilit niya sa kanyang mga kaharap na totoo si Justine. Napakagaling ng kanyang atake, hinog na hinog na talaga si Nash Aguas, palakpakan!!!!

Read more...