KAHIT inanunsyo na ng Metro Manila Film Festival Executive Committee na hindi sila maglalabas ng ranking at gross ng mga entry ay hindi pa rin kami tinantanan ng mga interesadong malaman kung sino ang nangunguna sa box-office.
Ilang taon na rin naman kasing nakagawian ng publiko na alamin ang standing ng mga pelikulang kasali sa MMFF kaya malaking pagbabago para sa lahat na ngayong 2017 lang hindi maglalabas ng ranking para nga naman hindi makaimpluwensya sa manonood.
Maganda nga ang naisip na ito ng MMFF organizers para naman hindi bumaba ang moral ng mga producer, director at mga artistang kasama sa pelikulang mangungulelat.
Pero kung ibabase naman sa pila sa mga sinehang pinuntahan namin noong Lunes, Dis. 25 at sa pagtatanong sa mga takilyera ay malalakas daw sa takilya ang “Panday” ni Coco Martin, “The Revenger Squad” nina Vice Ganda, Pia Wurtzbach at Daniel Padilla at “Meant To Beh” nina Vic Sotto at Dawn Zulueta.
Personal din naming nakita ang pila sa “The Haunted Forest”, “All of You”, “Deadma Walking” at “Siargao” (in no particular order). Wala naman kaming masyadong nakitang pila sa “Ang Larawan.”
Actually, depende pa rin naman kasi yan sa mga sinehan, tulad ng SM Megamall, SM North at The Block na talagang maraming nanonood kung ikukumpara sa Robinson’s Magnolia.
Pero puno pa rin naman ang mga sinehan kung saan palabas ang “All Of You”, “Ang Panday” at “Meant To Beh”. Pagpunta namin noong Martes sa Robinson’s Magnolia ay na-pull out na pala ang “Larawan” at ipinalit ang “The Revenger Squad”.
Palabas pa rin naman ang entry ni Paulo Avelino sa Robinson’s Galleria at Metro East ang Larawan, sa Trinoma at sa Vertis North. Kahapon ang balita namin ay na-pull out na rin ito sa ilang sinehan sa Metro Manila.
q q q
Naniniwala kami na kahit hindi maglabas ang MMFF ng ranking at kita ay mahuhulaan na rin naman ng publiko kung ano ang nangunguna at kulelat.
Ayon sa mga nakausap naming nakapanood na ng “Ang Larawan”, “Maganda siya. Magaling si Joanna Ampil. She was very good in scenes that require singing and acting.
Medyo sumablay lang siya sa dialogue with Paulo when he revealed the truth that she ordered Paulo to seduce Rachel (Alejandro) para hindi sa kanya ang burden ng pagbenta ng Larawan. Nakulangan lang kami but she was brilliant. Mas napansin siya than Rachel.
“However, the cinematography was dark and blurred. What really made it brilliant was the actors’ performance.
Lahat sila magagaling but Joanna stood out because she had the best role. Konti lang nanonood, maybe hindi pa talaga ready ang Pinoy sa local musical,” dagdag ng aming kausap.
Samantala, puring-puri naman ng mga nakapanood ang magagandang shots ni direk Paul Soriano sa pelikula niyang “Siargao” na pinagbibidahan nina Jericho Rosales, Jasmine Curtis at Erich Gonzales kaya naman panay din ang retweet ng hubby ni Toni Gonzaga ng mga magagandang comments sa social media.
Maging ang Quantum Films producer ng “All Of Me” na si Atty. Joji Alonso ay panay din ang retweet ng mga feedback sa pelikula nina Echo, Jasmine at Erich.
Pareho namang nagpasalamat sa kani-kanilang social media account sina Coco at Vice sa mga nanood na ng kanilang pelikula.