Doble-kita ng pulis, sundalo unfair nga ba?

SIMULA sa Enero ay doble na ang magiging suweldo ng pinakamababang ranggo ng pulis at sundalo at iba pang unipormadong tauhan ng gobyerno.

Halos P30,000 na ang kanilang buwanang sahod na matatanggap.

Palakpakan.

Pero marami ang hindi natutuwa sa magandang ginawang ito ng ating Pangulong Duterte.

Bakit?

Kasi naman ang doktor sa ospital ng gobyerno ay ganito rin ang tinatanggap na suweldo.

Obvious naman siguro na mas matagal na nag-aral ang mga doktor kesa sa mga pulis kaya hindi naman siguro nakakapagtaka kung mayroong sasama ang loob sa kanilang hanay. Kapantay na ng nagpakadalubhasang doktor ang isang kapapasok na pulis.

May mga mambabatas na humirit na itaas ang sahod ng mga doktor pero hindi sila nagtatagumpay.
Hindi rin naman siguro nakakapagtaka kung may iba pang hanay na ang feeling ay napag-iwanan sila.

Sa Education department halimbawa, kahit pa sabihin na competitive na ang kanilang suweldo, hindi ba sasama ang kanilang loob kung ang isang master teacher na kumuha ng master’s degree matapos ang ilang taong pagtuturo ay kapantay ang suweldo ng bagong pasok na pulis?

Ang gugugulin ng gobyerno para sa taas sahod ng mga uniformed personnel ng gobyerno ay P67.3 bilyon kada taon.

Kung ibabawas dito ang P90 bilyong dagdag na kikitain ng gobyerno sa TRAIN (Tax Reform for Acceleration and INclusion), may matitirang mahigit P20 bilyon na magagamit
sa ibang proyekto (assuming na makokolekta lahat ang inaasahang dagdag na kita).

***

Hindi rin naman mapupunta ang lahat ng dagdag na kita ng mga uniformed personnel sa kanilang bulsa.
Bago nila makuha ang kanilang dagdag na kita ay kakaltasan na rin ito ng personal income tax. Ang exempted ay ang mga kumikita ng P250,000 pababa kada taon at hindi na sila kasali dahil aabot na sa P29,668 ang sahod ng PO1 o mahigit P350,000 sa isang taon.

Hindi na sila exempted kaya mayroong babalik na pera sa gobyerno.

At siyempre gagastusin din naman nila ang nadagdag sa kanilang sahod sa mas mataas na buwis sa produktong petrolyo na magpapataas sa iba pang bilihin.

Sa Enero 1 ay simula na ang mas mataas na buwis sa produktong petrolyo kaya asahan na magrereklamo ang driver ng pampasaherong jeepney.

Papatawan na ng excise tax na P2.50 kada litro ang diesel. Ngayon ay walang ipinapataw na excise tax dito.

At skyempre, may 12 porsyentong Value Added Tax pa rin ang diesel at iba pang produktong petrolyo.

Read more...