Deadma walking: Acting ni Edgar Allan ‘di dapat dedmahin

 

KWENTO ng magkaibigang bading na sina John (Joross Gamboa) at Mark (Edgar Allan Guzman) ang Deadma Walking.

Si John ay isang businessman na may malubhang sakit at may taning na ang buhay. Ibinandera niya ang kanyang kalagayan sa kaibigan na si Mark na isang stage actor ng musical na “Crying Divas.” Nagplano ang magkaibigan na palabasing namatay na si John. Hindi lang ang pagkamatay ang staged kundi pati ang burol dahil gusto ni John na marinig niya ang sasabihin ng mga kaibigan at kapatid na maglalamay sa kanya.

Mahusay ang pagganap ng dalawang aktor sa pelikulang ito. Ngunit talagang nangibabaw ang pag-arte ni Edgar Allan. Consistent ang kanyang karakterisasyon, mula sa simpleng paglakad, hanggang sa kanyang pagkanta at pagsayaw.

Isang natatanging eksena ay ang malutong niyang pagmumura kay Joross nang sila ay mag-away sa bandang huli.
Maaring maikumpara ang “Deadma Walking” sa pelikulang “Die Beautiful” na kalahok din sa MMFF noong nakaraang taon. Kapwa tumatalakay ang dalawang pelikula sa pagkakaibigan ng dalawang bading at sa kamatayan, ngunit ang “Deadma Walking” ay mas nakaaaliw at may dagdag pang mga musical production.

Maraming mga artista ang naging panauhin sa pelikulang ito, tulad nila Piolo Pascual, Eugene Domingo, Gerald Anderson, Iza Calzado, Carmi Martin, Vin Abrenica.

Mahusay ang pagkalahad ng istorya ng pelikulang ito na idinirehe ni Julius Alfonso mula sa panulat ni Eric Cabahug na nagwagi ng second prize ng Palanca Awards noong 2016 kaya hindi katakataka na nabigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board.

Kung gusto ninyong maaliw at makita ang husay ni Edgar Allan, ang “Dedma Walking” ay para sa inyo.

Read more...