11 mangingisda sa dagat nag-Pasko dahil sa bagyo, nasagip

Nasagip ang 11 mangingisda sa bahagi ng dagat na malapit sa Dolores, Eastern Samar, noong araw ng Pasko (Lunes), matapos ang halos dalawang linggong pagpapalutang-lutang sa dagat mula pa noong pagpasok ng bagyong “Urduja,” ayon sa pulisya.
Kinilala ng mga awatoridad ang 11 bilang sina Eric Solayao, Jay-ar Josolan, Bryan Armada, Jessie Apolan, Jesus Apolan, Jesulito Mendoza, pawang mga residente ng Tacloban City; Glen Moro at Ernesto Mascareñas, ng Palo, Leyte; Rommel Lopez, ng Iloilo City; Rey Cubillo, ng Trinidad, Bohol; at Fredie Alboro, ng General Santos City.
Nasagip sila ng mga tauhan ng Dolores Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at lokal na pulisya malapit sa Brgy. Japitan dakong ala-1 ng hapon, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police.
Pumalaot ang mga mangingisda noon pang Dis. 13 sakay ng F/B Velmar, pero tumaob ang bangka sa may Brgy. Sulo-an, Guiuan, dahil kay “Urduja,” aniya.
Dinala ang mga mangingisda sa Casano Hospital ng Dolores, para mabigyan ng atensyong medikal.

Read more...