Female star bonggang mamigay ng regalo tuwing Pasko, pero…

PURO halakhakan ang maririnig sa kapaligiran nang minsang mag-bonding ang mga may edad nang taga-showbiz. At dahil isang tulog na lang ay Pasko na, kung anu-anong anekdota ng nakaraan ang napagkuwentuhan ng tropa, ang dami-dami!

Pero ang kanilang sinentruhan ay ang female personality na bonggang-bongga kapag nag-iimbita para sa taunan niyang Christmas party. Kilalang-kilala siyempre ang babaeng personalidad na ito.

Kuwento ng isang nasa umpukan, “Ibang klase ang babaeng ‘yun! Todo-todo kung gumastos siya para sa mga papremyo sa Christmas party niya, kaya dinadagsa talaga ‘yun kahit ng mga hindi naman imbitado!

“Hubad ang mga ipinamimigay niyang bonggang pa-raffle, hindi niya ipinababalot, para kitang-kita kung ano ang mapapanalunan ng mga kasali sa raffle.

“Hala, inuman sa buong gabi, sky is the limit talaga. May catering, may open bar, meron pang ibinibigay na kadatungan ang female personality na ito para sa mga reporters!

“Napakabongga talaga niyang magpa-party, ginagawa niya ‘yun yearly, tuwang-tuwa ang mga bisita niya dahil walang umuuwing luhaan!” simulang kuwento ng aming impormante.

Heto na. Tapos na ang party, nakangiting umuuwi ang lahat dahil panalung-panalo sila sa party ng bonggang-bonggang aktres, walang nasayang na panahon sa kanila dahil sa mga super-bonggang pa-raffle.

Kinabukasan, back to reality na ang female personality, iba na ang takbo ng kapaligiran. Maraming hinihinging pambili-panggastos ang kanyang mga kasambahay pero wala nang maibigay ang pamosong aktres dahil naubos na ang kanyang kadatungan nu’ng nakaraang gabi.

Sabi ng isang madalas nakakasama nu’n ng aktres, “True! Ganu’n talaga siya! Magpapabongga nang wagas na wagas siya ngayon, pero kinabukasan, e, wala na siyang datung!

“Ganu’n siya, wala siyang disiplina sa paggastos, ubos-ubos biyaya siya ngayon pero bukas, e, nganga na siya! Hay, naku! Bongga ka talaga, ‘Day! Nakakaloka siya, walang disiplina sa paggastos!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, sige lang, sige lang, itaas ang kilay!

Read more...