KALIWA’T kanan na ang mga parties, pagsa-shopping ng mga regalo at pamasko, at pagdedekorasyon ng bahay ng mga ilaw, lalo na’t dalawang araw na lang ay Pasko na.
Ang kaso sa iyong paghahanda ng regalo kay boss, mga pang-exchange gift sa mga co-workers at pagbili ng panghanda nyo para sa Noche Buena ay may nakalimutan ka.
Ayan na ang mga messages sa Facebook ng “Merry Christmas po Ninong/Ninang!” Ayan na rin ang mga parinig ng kaibigan mo, binabato ang mga pangalan ng iyong inaanak na huli mong nakita noong binyag nila.
Kaya pagdating mismo ng araw ng Pasko ay ubos na ang budget para sa sarili, wala nang pampanood ng sine, pang-contribute sa inuman ng tropa at pang-aguinaldo sa mga kamag-anak at kaibigan.
What to do at where to go nang di kailangang gumastos?
Well, mayroon kaming mga suggestions para sa iyo. Doon ay libre na, feel na feel mo pa ang Christmas.
Valenzuela’s Peoples Park
Bakit di tumambay sa Valenzuela’s People’s Park? Bukod sa mga tiangge, puno ng pailaw ang lugar kaya ramdam na ramdam ang Pasko rito. Perfect place para magtago sa mga inaanak, este, mag-libot libot. Abangan din ang featured fireworks nila every Saturday. Meron pa silang special na Christmas Day Carnival.
Policarpio Street,
Mandaluyong
Alam n’yo ba na naging tradisyon na ang pagpapailaw ng mga bahay sa Policarpio stm sa Mandaluyong since 1996 pa? Sa totoo lang, dahil sa dami ng taong bumisita rito ay nagkaroon na ng problema ang mga nakatira dito. Pero patuloy pa rin nilang pinapailawan ang kanilang tahanan dahil nagbibigay ito ng Christmas cheer sa mga bumibisita.
Christmas Street Light
Musical Tunnel, Pasig
Mapa-wow sa ilaw na hinango pa sa mga Christmas themed tunnels sa Japan, Canada at United Kingdom. Pwede kang magpapicture at mag-post sa Facebook at mag-pretend na nasa ibang bansa ka. May bago ka nang pang-DP, bongga, di ba?
Giant Christmas Tree,
Cubao, Quezon City
Kung talagang hindi makalusot sa mga umuungot ng regalo, bakit hindi ka dumaan sa Cubao, kung saan may mga tiangge at murang mga bilihin na pangregalo? Doon ay pwede mo ring pagmasdan ang giant Christmas tree at tunnel of lights na talaga namang IG-worthy.
Festival of Lights,
Ayala Triangle, Makati
Inaabangan ka na ba sa bahay mo? Mamaya ka na umuwi, bumisita ka muna sa Festival of Lights sa Ayala Triangle. Punong-puno ng winter wonderland feels ang lugar dahil sa kulay ng ilaw na tila snow. Sabihin mo na lang sa ibang namamasko sa iyo na na-traffic ka sa Edsa habang nagliliwaliw at nagse-selfie. —Djan Magbanua