Hiling ng madlang pipol: wag munang tapusin ang ‘Good Son’


TAMA bang nu’ng minsang magkita-kita kami ng aming mga kaibigan ay paghuhulaan tungkol sa kung sino ang pumatay kay Albert Martinez sa The Good Son ang inikutan ng aming usapan?

Kabisado naming lahat ang daloy ng kuwento ng serye, walang kahit sinong maililigaw sa aming tropa, mula sa mga bida hanggang sa pinakamaliit na personalidad ng serye ay kilala ng lahat.

Sa katapusan ng paghuhulaan ay parang isa lang pala ang aming kutob. Si Cal ang may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang ama, si Nash Aguas ang gumaganap bilang bunsong anak nina Albert at Eula Valdez, pero sa takbo ng kuwento ay anak pala ni Dado (Jeric Raval) sa aktres si Cal.

Maganda ang ganu’ng senyal, nakikisali sa kuwento ng serye ang manonood, kani-kanyang hulaan ang ating mga kababayan sa mga twist na nagaganap sa patuloy na takbo ng istorya.

Si Joshua Garcia naman ang inaabangan ng mga kabataang manonood ng The Good Son, ang bagitong aktor na ikinukumpara kay John Lloyd Cruz ang talento sa pag-arte, malalim ang hugot ng binatang aktor sa kanyang mga eksena.

Hiling ng aming mga kausap na huwag daw muna sanang tapusin ang serye, parang ganu’n daw kasi ang dating sa kanila ng The Good Son, dahil napakabilis ng takbo ng mga rebelasyon na parang tatapusin na agad-agad.

Read more...