NAGING mainit na paksa sa isang malaking umpukan ang kabutihan ng puso ng isang young actor.
Hindi raw pakitang-tao lang ang nakikita sa aktor, talagang ‘yun na siya, dahil meron siyang consistency.
Bagsak-bangon ang young actor na ito, hindi naman palaging puno ang kanyang bulsa dahil sa kasipagan niyang magtrabaho, may mga pagkakataong dumadaan din siya sa kawalan.
Kuwento ng aming source, “Pero gumagawa siya ng paraan para hindi niya mapabayaan ang pamilya niya. Walang kaalam-alam ang mga kapamilya niya kung ano ang pinagdadaanan niya, ang mahalaga lang naman kasi para sa kanila, e, ang kabuhayan nila na ang young actor ang nagbibigay sa kanila.
“Nakakaawa naman siya. Hirap na hirap na nga siyang magtrabaho, palagi siyang pagod at puyat, pero kapag na-late nang kahit isang araw lang ang sustento niya para sa mga kapatid niya, e, may nasasabi na agad ang mga ‘yun!
“Ang kakapal talaga ng mukha nila, malalakas naman ang katawan nila, pero ayaw nilang magtrabaho, nakakaawa talaga si ____ (pangalan ng young actor na may mabuting puso at mapagmahal sa pamilya)!
“Meron siyang biniling motor para sa family niya, maganda na nga namang kahit paano, e, may naipapasada ang pamilya niya para mapagkunan ng pang-araw-araw na gastos, pero nakakaloka!
“Hindi na nga niya alam kung magkano ang kinikita ng binili niyang pampasadang tricycle, siya pa rin ang inaasahan ng family niya kapag nasisira ‘yun!
“Ano ba namang sila na ang magpagawa ng motor, tutal naman, e, siya na nga ang bumili ng tricycle, di ba naman? Makakapal talaga!” inis na kuwento ng aming impormante.
Paano nga naman kapag nawalan na ng trabaho ang young actor, ano na ang mangyayari sa kanilang pamilya, pare-pareho na lang silang nganga?
Naku, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kung nabubuhay pa ang ama-amahan ng young actor na ito, e, ewan na lang! Getlak n’yo na kung sino siya?