Aktres pinaiimbestigahan ang mga manliligaw bago sagutin

KUNG may mga lalaking personalidad na magaling pumili ng kakarelasyunin ay meron ding mga female personalities na magaling pumili ng magiging boyfriend.

Ang kanilang katwiran ay ibibigay na nga nila ang lahat-lahat, tapos ay wala pa silang gaganansiyahin, parang hindi naman yata parehas ang laban kapag ganu’n.

May isang aktres na bago pumatol sa kanyang manliligaw ay parang imbestigador na inaalam muna ang sitwasyon ng kabuhayan ng kanyang suitor.

Palaging ganu’n. Kailangang madatung ang lalaki, kailangang may magandang kabuhayan showcase, ayaw niyang mamuhunan sa relasyon. Hindi siya ang gagastos kapag lumalabas sila, hindi siya ang magreregalo sa lalaki, ganu’n ang gusto niya.

Kuwento ng isang source, “Ngayon na lang naman siya ganyan. Wala siyang pakialam dati sa bulsa ng guy. Kapag type niya, go lang siya nang go! Naumay kasi ang babaeng ‘yun sa mga ex niya.

“Kung bakit naman kasi nagkasunud-sunod ang karelasyon niyang walang datung. Natural, siya ang taya sa lahat. Kakain sila sa labas, siya ang nagbabayad. Magba-bar sila, siya pa rin ang taya.

“Siyempre, nagsawa siya sa ganu’ng set-up, gusto niya namang mabago ang history ng pakikipagrelasyon niya, kaya siya nagkakaganyan.

“Wish niya namang magkaroon ng boyfriend na gumagastos, ‘yung bunot nang bunot kapag lumalabas sila, queen na queen kuno ang dating niya kapag ganu’n,” kuwento ng aming impormante.

Hindi na sobrang bata ang aktres na ito, pero sa kabila ng kanyang edad ay may asim pa rin siya, malakas pa rin ang kanyang dating sa mga kalalakihan.

“In fairness, maganda pa rin siya at sexy, ha? At walang kupas ang galing niyang umarte, talagang aktres siya, kaya niyang makipagsabayan kahit kanino d’yan!

“Ang ganda-ganda pa rin niya sa screen, ke kontrabida pa ang madalas niyang role, kaya nakapang-iimbita pa rin siya ng mga kalalakihan. Ikaw na ang maging siya! Matindi pa rin ang powers niya!” pagtatapos ng aming source.

Hindi kayo nganga ngayon, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kayang-kaya rin ng powers n’yong mahulaan kung sino ang bumibida sa ating kuwento.

Read more...