SIGURADONG mag-eenjoy din ang napakaraming McLisse fans kapag pinanood nila ang 2017 MMFF entry na “Ang Panday” ni Coco Martin.
Hindi man ganu’n kalaki ang role nina Mccoy de Leon at Elisse Joson, markado naman ang mga eksenang pakilig ng dalawa na tiyak na bebenta sa mga bagets.
“Saka tiniyak po ni direk Coco na hindi kami pang-dekorasyon lang sa movie. Napanood naman po ninyo, di ba? And we are really proud na nakasama kami sa unang directorial job ni kuya Coco,” ani Elisse na dyosang-dyosa talaga ang kagandahan.
Mahal na mahal ng mga kamera sina Elisse at Mccoy dahil very refreshing ang mga face nila on screen.
Isa ang McLisse sa mga pambatong loveteam ng ABS-CBN na sumikat ngayong 2017 at inaasahang mas papatok pa sa viewers sa 2018. Aminado ang dalawa na may ups and downs din ang 2017, pero hopeful sila na sa darating na Bagong Taon ay mas darami pa ang kanilang proyekto together.
May separate plans for Christmas sina Mccoy at Elisse kaya sinusulit na nila ang mga araw na magkasama sila lalo na sa promo ng “Ang Panday”.
Pero nagkausap na raw ang magka-loveteam, maglalaan daw sila ng isang araw para makadalaw sa bahay ng isa’t isa at makapag-exchange gift sa kanilang respective families.
q q q
Hindi naman naiinggit bagkus ay proud na proud si Jake Cuenca na maidirek ni Coco Martin sa “Ang Panday”.
“Sobra akong na-impress sa kanya. He has a very good eye on details. Hindi ko nga inakala na yung fight scenes namin ay ganu’n kaganda lalabas on screen. He’s a very good director,” sey ni Jake patungkol kay Coco.
Siya ang bumuhay sa “millennial version” ng iconic character na Lizardo sa “Panday” na unang tumatak sa character actor at sikat na kontrabida na si Max Alvarado.
Tinanong namin si Jake kung may conscious effort ba siya na gayahin o gawing peg ang yumaong Hollywood award-winning actor na si Heath Ledger bilang si Joker sa “Batman” movie.
“Yes. Totoo naman at nakita naman sa movie. But my inspiration really is Jimmy Morrison. Ayaw ko kasing sabihin ng mga tao na, ‘ay ginaya lang si Joker.’
“Maybe in the physical aspect, make-up and all, naging inspiration ko, but I wanted to employ and bring out an original characterization na ako ang gumawa and I think nagawa ko naman, enough for moviegoers to get afraid of my character,” paliwanag ni Jake.
Plano rin ni Jake na magdirek ng movie soon tulad ni Coco, pero mag-aaral daw muna siya. For now, masayang-masaya raw ang aktor sa takbo ng kanyang karir dahil bukod sa TV and movies ay nakakapag-triathlon pa siya.
Nakatakda siyang umalis ng bansa sa 2018 for a possible project na hindi pa niya binanggit, pero pinaghahandaan na raw niya ito.
“Iyan din ang reason kung bakit hindi pa rin ako pwedeng magpagupit,” sey pa ng magaling na kontrabida dahil aniya, requirement daw ang kulot niyang buhok sa gagawin niyang international project.