SA papasok na taon, magkakaroon ng dagdag na pera sa mga bulsa ang mahigit 7.1 milyong mga empleyado.
Ito ay dahil sa ipatutupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nakapaloob sa 2018 national budget ng Duterte administration.
Maraming papuri at pagpuna ang maririnig mo rito. Pero sa kabuuan, talagang kinakailangan ito lalo 110 milyon na ang populasyon. Kinakailangan nang magtulungan ang bawat mamamayan, mahirap o mayaman.
Sabi ni Albay Rep. Joey Salceda, ang TRAIN ay magbibigay ng P172 bilyon sa mga mahihirap taun-taon, di katulad ng dating mga Tax Reforms na puro lang sa mayayaman.
Sabi naman ni Senator Sonny Angara, 99 percent ng mga nagbabayad ng income tax ay matutulungan ng TRAIN.
Ayon naman sa kritikong si Solita Collas Monsod, “anti-poor” at “pro-rich” ang TRAIN dahil lalong maghihirap ang mamamayan dito.
Sa aking pagsusuri, matindi at agaran ang impact ng TRAIN sa bawat pamilya lalo pat mababawasan na ang babayaran nilang “income tax” bawat taon. Ibig sabihin, mawawala o malaki ang mababawas sa “witholding tax” ng kanilang “payslip” gobyerno man o private company.
Swerte yung sumusweldo ng P250,000 bawat taon o P20,800 bawat buwan dahil zero witholding tax na sila sa P49,900. Dagdag take home na P4,158 bawat buwan, pwede nang pambayad ng tubig, kuryente o panghulog sa lote.
Iyong sumusweldo ng P25,000 bawat buwan na nagbabayad dati ng P65,000 na witholding tax ay magbabayad na lang ng P10,000 at dagdag sa payslip nila ang dating tax na P55,000 bawat taon o P4,583 bawat buwan.
Iyong mga sumasahod ng P30,000 bawat buwan na dati’y P 83,000 ang “witholding” ay magbabayad na lang ng P22,000 o makakatipid ng P61,000 o P5,083 bawat buwan.
Iyong P40,000 bawat buwan ang sweldo na nagbabayad dati ng P119,000 bawat taon ay makatitipid din dahil P50,000 na lang ang tax at magagastos na nila ang P69,000 bawat taon o P P5,750 bawat buwan.
Iyong sumusweldo ng P50,000 bawat buwan na nagbabayad dati ng P157,000 witholding tax ay magbabayad na lang ng P80,000 at dagdag sa payslip niya ang dating tax na P77,000 bawat taon o P6,416 bawat buwan.
Ganito rin ang mangyayari sa mga sumusweldo ng buwanang P70,000 ( tipid na P91,800 sa bi-nabayarang witholding na P233,300 bawat taon). Ibig sabihin may dagdag monthly take home na P7,650
Yung buwanang P90,000 ang sweldo ay makatitipid ng P99,960 sa dating witholding na P313,160. Meron siyang dagdag na monthly takehome pay na P8,330.
At sa sumusweldo ng P100,000 bawat buwan na kinakaltasan ng P354,000 bawat taon, makatitipid sila ng P101,760 o P8,480 bawat buwan.
Napakalaking dagdag-sweldo po ito sa lahat ng mga nagtatrabaho.
Lahat ng kumakayod ay nadidismaya lagi sa sobrang laki ng kaltas ng mga dating gobyerno. ‘Ika nga, wala na halos natitira. Ngayon, napakalaking pagbabago ang nangyari.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagbalik ng pera ang gobyerno sa bawat pamilyang Pilipino. Minimum, clerk, supervisor, manager, boss, walang naiwan, lahat makikinabang.
Isipin ninyo, pondong P172 bilyon na magsisilbing “makina” na tuluyan nang magpapaandar sa ekonomiya ng ating bansa. Mas maraming iikot na pera ngayon at sa mga susu-nod na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.