SIGURADONG milyun-milyon ang ginastos ni Coco Martin sa special effects pa lang ng 2017 MMFF entry nilang “Ang Panday”.
Hindi na kasi kinayang gawin dito sa bansa ang CGI ng movie kaya dinala na nila ito sa Vietnam para doon gawin ang post-production. Ayon kay Coco, hindi nila talaga tinipid ang budget sa special effects.
“Opo, kasi sabi ko nga napakataas ng expectation ng tao sa Panday lalung-lalo na pagda-ting sa effects, ayaw kong tipirin kaya ‘yung iba ginawa rito sa Pilipinas, ‘yung dulo pinadala pa namin sa Vietnam para doon gawin,” kuwento ng Teleserye King nang makausap ng entertainment press pagkatapos ng ginanap na celebrity screening ng “Panday” kamakailan.
Inamin ni Coco na hindi niya tiningnan ang gastos ng pelikula, mas nag-focus daw siya sa outcome nito para masigurong magugustuhan ng manonood.
Kaya naman tinanong kung ano ang mas gusto niya, awards o box-office? Natawa muna si Coco sabay sabing, “Puwedeng both? Ha-hahaha! Hindi naman ako nag-e-expect, basta magustuhan lang ng mga tao masaya na ako ro’n at ma-appreciate nila.”
Tulad ng isinulat namin noon na ginawang “millennial” ni Coco ang bagong version ng “Ang Panday”. Naka-motor bike na kasi ang bidang karakter na si Flavio III (apo ni Flavio) habang nakikipaglaban sa kampon ng kadiliman na pinamumunuan ng bagong Lizardo na ginagampanan ni Jake Cuenca.
Pero ang hindi inalis ni Coco sa “Ang Panday” na unang ginawa ng Action King na si Fernando Poe, Jr. ay ang iconic scene sa disyerto kung saan naglaban sina Flavio at Lizardo.
“Bilang tribute kay FPJ, ang sabi ko ang final battle namin ni Lizardo dapat sa disyerto pa rin,” nakangiting sabi ng aktor.
Nagpasalamat naman si Coco sa biyuda ni FPJ na si Ms. Susan Roces dahil nagustuhan nito ang kanilang pinaghirapan, “Nabawasan na ang kaba. Honestly kay Tita Susan ako pinakaninenerbyos kasi from the very start, humingi ako sa kanya ng blessing at approval na gagawin ko nga ulit ang Panday. And after that, tinulungan niya ako siyempre baka mamaya hindi ko naibigay ng tama ang gusto niya makita.”
Anyway, hindi raw nahirapan si Coco sa pagdidirek ng “Panday” kahit na siya rin ang bida, “Mas nahirapan po ako bilang producer kasi ang dami mong considerations tulad halimbawa kapag umulan tapos ang laking eksena, kokompyutin mo lahat ‘yun.
“Pag direktor at artista ka lang naghihintay ka lang ng gagawin o mangyayari, wala kang iniisip na gastos,” paliwanag ng actor-director.
Hirit namin, kahati naman niya sa gastos ang Star Cinema, “E, ako muna lahat (gumastos), sabi ko saka na kami mag-usap-usap kapag natapos ko na ‘yung pelikula, ako na muna para ‘yung buong vision ko sa movie, ako. Mahirap kasi kapag may iba kang kausap kasi marami ka ng consi-derations,” paliwanag ng may-ari ng CMC Productions.
Hula ng nakararami ay umabot sa kulang P100 million ang gastos ni Coco dahil umabot sa 37 days o five months ang shooting ng “Ang Panday” na mapapanood na sa Dis. 25.
Isama pa riyan ang halos 100 artista na mapapanood sa pelikula tulad nina Gloria Romero, Eddie Garcia, Albert Martinez, Agot Isidro, Ejay Falcon, Mariel de Leon, Kylie Versoza, Julio Diaz, John Prats, Jhong Hilario at marami pang iba.
“First movie ko ito, gusto ko ibubuhos ko lahat gusto ko para pag napanood nila maganda. Wala naman kasi akong inano na budget e, hindi ko nilimitahan na hanggang dito lang ako,” ani Coco.
Huling tanong namin kay Coco kung bakit lagi niyang karga ang child star na si Ricky Boy, na gumanap namang anak-anakan niya sa pelikula? Nagsasanay na ba siyang magka-baby?
“Ha-hahaha! Ayaw ka-sing humiwalay sa akin, kapag binibitawan ko, iyak nang iyak,” sagot ng aktor.
At dahil magaganda ang feedbacks at mga review sa “Panday” natanong din si Coco kung posible bang magkaroon agad ito ng part 2 para sa 2018 MMFF? “Ha-hahaha! Sa ngayon po, titingnan pa natin.”